'Droga, di kasama sa sinisilip sa pagpatay sa General Tinio mayor'

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 11:17 PM | Updated as of Apr 24 2019 05:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlong motibo na ang tinututukan ng Special Investigation Task Group FB Bote sa pagpatay sa mayor ng General Tinio sa Nueva Ecija.

Maaaring may kinalaman umano ang krimen sa lokal na politika, quarrying business ng alkalde, at government projects na konektado sa construction business ng biktima, ayon kay Central Luzon police director, Chief Supt. Amador Valera Corpus. 

Tinambangan nitong Martes, Hulyo 3, si General Tinio Mayor Ferdinand Bote sa highway ng Cabanatuan City kung saan nagkalat pa ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 baril.

Nagtamo ang alkalde ng 18 tama ng bala sa iba´t ibang bahagi ng katawan na kaniyang ikinasawi.

Kasunod ng pamamaril kay Bote habang nasa sasakyan, nakuhanan ng CCTV ng Barangay Imelda sa Purok Dos ang isang motorsiklo lulan ang tatlong lalaki.

Mabilis ang takbo ng motorsiklong gumegewang pa habang kasunod ang isang AUV. 

Nakuhanan din ng CCTV ang nasabing motorsiklo at sasakyan sa isang kalye sa Barangay MS Garcia. 

Ayon sa testigo na tumangging humarap sa camera, lumipat sa AUV ang dalawang sakay ng motorsiklo.

Hindi na ito nakuhanan ng CCTV pero kita sa isa pang CCTV footage kalaunan na mag-isa na lang ang sakay ng motorsiklo.

Hawak na ng Task Group Bote ang kopya ng nasabing mga CCTV para pag-aralan.

Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon.

Ayon pa sa pulisya, walang natatanggap na death threat si Bote kaya kampante siya na hindi magsama ng bodyguard.

Nakiusap naman ang pamilya na huwag na iugnay ang pagpaslang kay Bote sa ilegal na droga dahil hindi kabilang ang alkalde sa narco-list.

Nilinaw din ng pulisya na hindi kabilang sa motibo ng pagpatay sa alkalde ang ilegal na droga. 

PAKIKIRAMAY SA PAMILYA

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumagsa ang mga kaanak at kababayan sa burol ng pinaslang na alkalde. 

Lahat ay nagulat at hindi makapaniwala sa nangyari.

Noong gabi pa lang ng Martes, dumating na ang mga tagasuporta ng pinatay na si Bote sa punerarya sa Cabanatuan City.

Ayon sa empleyado ng munisipyo na si Arlan Esteban, maka-Diyos si Bote at malaking kawalan siya sa bayan ng General Tinio.

Kuwento naman ng kaibigang si Winnie Padolina, hindi sanay si Bote na may escort dahil naniniwala ang mayor na lagi niya namang kasama ang Diyos.

Madaling araw nitong Miyerkoles, dinala na sa General Tinio ang labi ng alkalde.

Ramdam din ang lungkot maging sa munisipyo at naka-half-mast ang watawat bilang pakikiramay ng lahat sa pagkamatay ng ama ng kanilang bayan.

Isang misa ang inialay para kay Bote na dinaluhan ng mga empleyado ng munisipyo, mga residente, pamilya at kaibigan. 

Ayaw pang magbigay ng pahayag ng pamilya ng alkalde pero para sa pinsang buo ng alkalde na si Alexander Bote, disiplinado at masipag sa trabaho ang mayor.

Naupo bilang bise alkalde ng General Tinio si Bote noong 2007 at natapos ang tatlong termino.

Naglingkod din siya bilang isa sa mga board member ng Vice Mayors' League ng Central Luzon.

Taong 2016 nang manalo siya bilang alkalde.

Miyembro siya ng PDP-LABAN at kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Pinsan niya ang dating alkalde na si Virgilio Bote Jr. na pangulo naman ng partido sa Luzon chapter.

Bago pumasok sa politika, may construction business na ang pamilya nito at naging instrumento sa pagpapagawa ng ilang kalsada sa General Tinio.

Sa ngayon, pinag-uusapan pa ng pamilya kung kailan ililibing ang alkalde.

-- Ulat nina Dennis Datu, Elaine Fulgencio, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.