‘Pakitang-tao lang’: Jeepney operators pinuna ang kahandaan ng LTFRB sa balik-pasada

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 07:15 PM | Updated as of Jul 03 2020 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 

MAYNILA (UPDATE) - Hindi naitago ng mga jeepney operator ang kanilang inis sa umano’y magulo at malabong patakaran ng transport authorities kaugnay ng pagbabalik-pasada ng mga jeep. 

Para kay George San Mateo, pangulo ng Piston, dapat dinamihan pa ang ruta na pinapayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. 

“Iniklian pa nila ang mga ruta namin. Mumu lang ito, kaunting limos, pakitang-tao para lang, at hindi yan dahil sa kabutihang loob ng gobyerno,” ani San Mateo. 

Duda rin si San Mateo na bumiyahe ang aabot sa 6,000 units na pinayagan ng LTFRB dahil kahapon lang inilabas ang mga panuntunan para rito. 

“Kalokohan ang requirement. Hindi ko alam bakit kailangan pang magpa-smoke emission at motor vehicle inspection. Hindi pa nga kumikita, pagagastusin pa nila kami! Mabuti kung nilibre nila eh,” ani San Mateo. 

Pinuna rin ng grupo ang rekisito sa pagkuha ng mga bayad ng pasahero, kung saan kinakailangan munang bumaba ng tsuper para kuhanin ang bayad nito. 

Pinuna naman ni ACTO National President Efren De Luna ang planong ipabaklas ang plastic barriers na inilagay sa jeepney. 

“Bakit hindi nila sinabi agad? Matagal na naming pinakita yan. Ang problema kasi walang alam yang mga taga-DOTr at LTFRB, hindi marunong makipag-usap sa mga apektadong sektor, wala kaming makausap, sa online wala naman sasagot sa'yo dun, wala namang mga empleyado sa tanggapan nila,” ani De Luna. 

Inalmahan din ni De Luna ang pagpayag lang sa mga "dikit-dikit" na ruta para sa kaniyang hanay kung saan 300 sa 30,000 tsuper ang pinayagang makapasada. 

Apela ng transport groups, magpakatotoo na ang gobyerno. 

Aminado naman si Suansing na phaseout ang patutunguhan nila. 

“Magpapaka-totoo lang ako, phaseout naman talaga ang patutunguhan. By December hindi pa sila nag-consolidate, at may legit na gusto ng ruta nila, ibibigay namin dun. By December di pa nila nagawa yan, tapos hindi nakapasa sa inspection, naagnas na at bulok bulok na ang jeep, phaseout talaga yan,” ani Suansing. 

Himutok naman ng mga tsuper at operator na dahil hindi pa nakakabiyahe ang bulto sa kanila ay patuloy na makakakita ng mga nanlilimos sa daan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

PAGHAHANDA NG MGA JEEP 

Samantala, aminado ang ilang jeepney drivers na hindi sila nakapaghanda nang maayos dahil mabilisan anila ang naging pagbibigay ng panuntunan. 

Ang isang jeep, sira agad ang plastic divider dahil sa hangin at sa mga pasahero. 

"Yung mga pasahero nagtambakan na, ngayon gumawa lang kami ng paraan para lang may harang, distancing, pero babaguhin din namin pagkatapos ng biyahe,” kuwento ng tsuper na si Ronaldo Paguirigan. 

Ang pangulo ng TAJODA na si Renato Paguirigan, sinabing sana nagsabi nang mas maaga ang gobyerno para makapaghanda nang husto ang mga tsuper. 

"Ang mag-i-inform po dapat niyan ay LTFRB. Mga one week, two weeks before Eh biglaan po ang sabi nila na bubuksan ang rutang iyan at bibiyahe na po sa araw ng Biyernes kaya hindi po lahat nakapaghanda,” ani Renato. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, may mga jeepney pa rin na nakatengga, gaya ng mga sasakyan ni Nestor Hamora, isang jeepney operator. 

Aniya, dapat dati pa silang sinabihan sa mga rekisito.

Para naman kay Piston Secretary General Steve Ranjo, pagkitil ng bahagi ng kultura ng bansa ang sinasabing pag-phase out ng mga jeep. 

“Galit na galit sila dito sa cultural icon at produkto ng ingenuity ng mga Pilipino. Hanggat nandyan ang jeepney alam nila na ang jeepney ay kayang i-sustain, kayang i-extend ang life hangga’t hindi nagkakaroon ang pilipinas ng sariling industriya para magbuo ng sariling makina,” ani Ranjo 

— Ulat nina Doris Bigornia, Isay Reyes, at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.