P93 milyong halaga ng umano'y smuggled na sigarilyo, nasabat sa Port of Subic

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 01:08 PM

MAYNILA - Nasabat ng mga awtoridad ang umano'y smuggled cigarettes na nagkakahalagang P93 milyon sa Port of Subic sa Zambales. 

Ayon sa Bureau of Customs, ipinasok sa bansa ang naturang mga shipment at idineklara bilang mga LED lights.

Unang isinalang sa X-ray examination ang mga containers - tatlong 40-footer na container van - na sinundan ng physical examination kaya nadiskubre na hindi pala mga LED lights ang laman ng shipment kundi mga sigarilyo. 

Ayon sa Customs, umaabot sa tinatayang 3,100 kahon ng sigarilyo ang kabuuang shipment. 

Agad na nag-isyu ang District Collection ng Port of Subic ng warrant of seizure and detention para makumpiska ang naturang mga shipment. 

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang consignee ng smuggled na produkto dahil sa paglabag sa National Tobacco Administration Board Resolution at Memo Circular kaugnay ng Customs Modernization and Tarriff Act.

Hindi naman tinukoy ng Customs kung sino ang consignee ng nasabing mga shipment. 

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.