Buntis na OFW galing Macau, nagpositibo sa COVID-19 sa Davao de Oro

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 05:40 PM

DAVAO DE ORO - Nagpositibo sa COVID-19 ang isang buntis na overseas Filipino worker (OFW) nitong Huwebes.

Siya ang ika-3 COVID-19 patient sa bayan ng Maragusan at ika-32 na kaso sa Davao de Oro.

Dumating ang OFW na 6 na buwang buntis sa Maynila noong Hunyo 18 mula Macau at sa Davao City noong Hunyo 22.

Isinailalim sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test ang OFW noong Hunyo 28 at lumabas ang resulta na positibo ito sa sakit nitong Huwebes.

Agad na nilipat ang buntis sa Davao Regional Medical Center mula sa barangay isolation unit para ma-monitor ang kaniyang kalagayan. 

Ayon kay Alfonso Tabas Jr., tagapagsalita ng Inter-agency Task Force COVID-19 sa Davao de Oro, asymptomatic ang pasyente.
 
Sa ngayon, may 15 active cases ang Davao de Oro, na karamihan ay mga na-stranded sa Maynila at Cebu. Bukas inaasahan din ng mga opisyal ang pagdating ng 80 katao na na-stranded sa Maynila. 

Nitong Huwebes, nakapagtala ang Department of Health (DOH) Davao Region ng 8 bagong kaso ng COVID-19 sa rehiyon. Anim dito ay mula sa Davao City, 1 sa Davao del Sur at 1 sa Davao de Oro. 

Nasa 573 na ang COVID cases sa Davao Region kung saan 83 porsyento sa 169 na active cases ay asymptomatic. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.