Bilang ng COVID-19 cases sa bansa lagpas 40,000 na

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 06:31 PM | Updated as of Jul 03 2020 08:02 PM

MAYNILA - Lagpas na sa 40,000 ang bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, batay sa tala ng Department of Health. 

Sa kanilang datos ngayong Biyernes, may nadagdag na 1,531 na kaso. 

Ito na umano ang pinakamataas na bilang na naiulat sa bansa sa loob nang isang araw mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic. 

Sa bilang, 688 ay fresh cases kung saan 255 ang naitala mula sa National Capital Region at 138 naman sa Region 7. 

Aabot naman sa 843 ang late cases, na ika-3 sa pinakamataas na naitala sa isang araw.

Samantala, naitala ang 400 recoveries ngayong Biyernes - ang pinakamataas na naiulat na gumaling na kaso. 

Sa kabuuan, may 11,073 na ang naka-recover sa sakit.

Anim naman ang nadagdag sa tala ng namatay na may kabuuang bilang na 1,280.