Babae patay sa pamamaril sa Negros Occidental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 06:07 PM

Patay ang isang 51 anyos na babae matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Pandanon Silos sa bayan ng Murcia, Negros Occidental Martes ng gabi.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng 21 anyos na suspek na si Nicolie Terambolo at isa pang kasama nito ang bahay ng mag-asawang Manny at Marites Mondejar.

Pinagbabaril umano nila ang mag-asawang Mondejar. Tinamaan ng bala sa likod si Marites habang nakailag naman si Manny.

Nakatakas ang salarin na nakabaril kay Marites habang nahuli naman ni Manny si Terambolo sa tulong ng kaniyang mga kapitbahay.

Nakuha mula kay Terambolo ang isang kalibre .45 na baril at limang bala.

Ayon kay Police Maj. Roberto Indiape, hepe ng Murcia Police, away sa lupa ang dahilan ng pamamaril sa mag-asawa.

Sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder at illegal possession of firearms and ammunition si Terambolo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.