'Umiiyak ang mga anak namin': Mga magulang nalungkot sa pansamantalang pagkawala ng Yey! Channel

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 05:34 PM | Updated as of Jul 02 2020 05:35 PM

 

MAYNILA — Nagpahayag ng lungkot ang ilang mga ina matapos maglabas nitong Miyerkoles ng gabi ang YeY! Channel ng pahayag na pansamantala muna silang hindi mapapanood sa "ABS-CBN TV Plus Mahiwagang Black Box, TVplus GO, SKYcable, at SKYdirect."

Dahil na rin ito sa pagsunod sa ipinataw na cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN.

"Gayunpaman, mananatiling available po ang aming mga social media accounts para sa ating patuloy na pagsasama. Maraming salamat po sa inyong suporta at pagtangkilik sa amin. Asahan po ninyong patuloy kaming magiging Bida Best Every Day para sa inyo."

Sa Facebook post ng YeY, nagpahayag ang ilang mga ina na ang naturang channel ang pinagkukuhanan ng saya at libangan ng kanilang mga anak, pamangkin at ibang bata, lalo na ngayong panahon ng pandemya. 

Ayon sa netizen na si Melanie Prieto Del Rosario, mahirap para sa kanya bilang ina na makitang mawala ang pinagkukuhanan nito ng saya.

"We missed you Yey! My son is so sad knowing he couldn't watch his favorite series anymore, and this is also hard for us parents to see our childs' little happiness taken away from them," ani Del Rosario sa comment section ng post ng YeY.

"At sainyo na naka-happy face react pa sa mga sad post naming mga magulang, you better feel this yourself para malaman ninyo gaano kalungkot. God bless," dagdag pa niya.

Kwento naman ni Sel Roxas, umiiyak ang kanyang anak at pamangkin sa pagkawala ng channel. 

"Umiiyak yung anak at pamangkin ko kasi hindi na nila mapanood yung mga cartoons na pinapanood nila. 'Yung nakakabisado na nila yung mga kanta at mga sinasabi ng mga character. Pati na rin 'yung mga kanta nung mga anak ni Melai at Jolina. Hayy. Nakakalungkot talaga," ani Roxas.

Para naman kay Kasandra Rasing, nagsilbing libangan na ngayong quarantine ang YeY sa kanyang mga bata at iba pa rin ito kumpara sa paggamit ng cellphone. 

"YeY na nga lang ang tanging libangan ng mga bata everyday, nawala pa. How sad. Lalo pa ngayong quarantine ... May cellphone naman at YouTube. Pero iba kasi kapag YEY ... Hindi mo na kailangang gumastos ng load ... sobrang lungkot lang kasi nakakaawa 'yung mga batang nawalan ng mumunting libangan," ani Rasing. 

Mapapanood sa YeY! channel ang ilang mga anime series at cartoons pati na rin mga educational shows. 

Nitong Martes, ang National Telecommunications Commission (NTC) ay naglabas ng cease-and-desist order na pinapatigil ang ABS-CBN sa digital broadcast sa TVPlus sa Metro Manila at satellite broadcast nationwide ng SKY.

Una nang nawala sa ere ang ABS-CBN matapos mag-expire ang prangkisa nitong nitong Mayo 5.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.