'Nanlamig kamay ko': Mga biktima sa viral UP Visayas chat dismayado sa 'pambabastos' sa kanila

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 07:51 PM | Updated as of Jul 02 2020 09:18 PM

MAYNILA - Isang anonymous na Twitter account ang nagkalat ng mga screenshot ng group chat ng isang fraternity sa UP VIsayas, gabi ng Miyerkoles.

Sa mga screenshot mula sa Twitter account, makikita ang hindi magandang nilalaman ng mga chat ng mga miyembro ng Scintilla Jvris Fraternity.

Makikita sa group chat ang tila pagpipiyesta sa ilang hubad na larawan. Ang iba, mga ex at kaibigan pa nila.

Mayroon din umanong malalaswang komento sa mismong mga sorority sister ng mga sangkot.

Sa isa pang screenshot tinawag nilang "snowflakes” - termino para sa mga umano’y "masyadong sensitibo" ang mga miyembro ng LGBT community.

Nakausap ng ABS-CBN News ang ilan sa mga babaeng napag-usapan sa group chat.

Si "Lisa" na kaibigan at kaklase ng ilang kasama sa grupo, kinondena ang pambabastos sa mga kababaihan sa group chat, na kinabibilangan ng mga kaibigan niya.

"Masakit kasi kilala ko ang mga tao na pinag-uusapan nila, mga kaibigan ko sila. Kilala ko ang mga taong nag-uusap, kakilala mo. Hindi mo masasabi na hindi nila maiintindihan. Nasa environment ka na maraming diverse na mga tao. Akala namin safe space namin ang UP," ani Lisa.

"Sobrang ipokrito lang. Alam mo nang nahihirapan ang tao, pagtatawanan mo pa. Pero 'pag kaharap mo ang tao, akala mo kasama mo. Nag-iibang tao sila pag sila-sila nalang. Hindi pwedeng excuse ang usapang lalaki lang. Wala namang usapang babae eh. ‘Yung ganong klaseng salita, di sinasabi ng tunay at maayos na tao. Degrading at pambabastos,” dagdag niya.

Nanggagalaiti naman ang biktimang si Savanna, na kasama rin sa pinag-usapan sa group chat.

"Nanlalamig ang kamay ko nung nabasa ko ang screenshots about me. Nakakagalit kasi hindi lang pala ako yung minamanyakan nila. Yung ibang girls na-objectify din not just from that frat, but from other men din,” ayon kay Savanna, sa panayam sa ABS-CBN News

"It’s so low and so unfair. ‘Yung guy napi-praise pero ang babae nasa-slut-shame. Frustrating na ganun ang nangyayari, 2020 na," dagdag niya.

Kinondena ng mga netizen, partikular na ng mga estudyante at alumni ng UP Visayas ang nangyari.

Ipinunto rin ng iba na suportado umano dati ng mga miyembro ng frat ang women’s rights habang nasa unibersidad.

Nanawagan din ang mga netizen na panagutin ang mga sangkot sa group chat, kung saan karamihan ay nagtapos na sa UP VIsayas.

Ang grupong Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan or SAMASA, kinondena ang insidente at nalamang may mga miyembro silang sangkot sa group chat, bagay na anila’y iimbestigahan nila.

"It has come to the attention of SAMASA UPV that certain members of the organization have been complicit and directly engaged in the chat group. SAMASA UPV vows to the student body that it will reach out to the members involved in the case and initiate a rigorous deliberation on the said matter.”

“It will implement the necessary disciplinary sanctions to hold the members accountable for their actions,” ayon sa SAMASA.

Magkakaroon naman ng sariling imbestigasyon ang Scintilla Jvris sa mga nag-viral na usapin. Kinondena nila ang nangyari at humingi ng paumanhin sa mga umano’y pinagpiyestahan sa group chat.

“Last June 30, a Twitter account exposed malicious conversations of a group of UPV SJ members in a Facebook chat group. We sincerely apologize to those who were harassed/violated by the actions taken by members involved,” anila.

Pinaiimbestigahan na rin ng UP VIsayas Office of the Chancellor ang insidente at nanawagan sa mga biktima na makipag-ugnayan sa kanilang Anti-Sexual Harrassment Office o Office of Student Affairs.

Maghahain din ng kaso ang mga biktima.

“We’re taking legal actions. We’re filing an official complaint, collective complaints. Marami pang nagka-come out against them,” ayon sa isa pang biktima na si “Mina.”

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.