Higit P1-M halaga ng branded na relo, ibang kagamitan nasamsam ng Customs

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 04:56 PM

MAYNILA — Aabot sa P1.1 milyong halaga ng branded na mga relo at iba pang produkto ang nasamsam ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) noong Lunes.

Galing sa Amerika ang mga shipment na idineklara bilang mga “personal effects."

Kabilang sa mga nasamsam ay mga relo mula sa mga brand na Michael Kors, Fossils, Anne Klein, Charriol, Invicta, Kate Spade, Diesel at Tommy. Mayroon ding mga bag, sapatos, at wallets na lahat ay mga daming-pangkomersiyo.

Nag-isyu ang BOC-NAIA ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Section 1400 (Misdeclaration) at Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) ng Customs Modernization and Tariff Act.

Ini-refer na ang records sa BOC Action Team Against Smugglers (BATAS) para matukoy kung sino ang dapat kasuhan sa nabuking na smuggling.