Army: Mga sundalo, di pulis, ang nasa video ng Jolo shooting scene

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 04:38 PM | Updated as of Jul 02 2020 06:47 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nilinaw ngayong Huwebes ng Philippine Army na mga sundalo at hindi mga pulis ang nasa viral video tampok ang lugar kung saan napatay umano ng ilang pulis ang 4 na sundalo sa Jolo, Sulu.

Kumalat sa social media ang CCTV footage na nagpapakitang may mga lalaking umaaligid sa SUV na sinakyan ng mga napatay na sundalo.

Ayon kay Army Spokesperson Col. Ramon Zagala, hindi mga pulis kundi sundalo ang nasa video.

Rumesponde ang Army sa lugar matapos makatanggap ng ulat na may nangyaring pamamaril sa lugar, ani Zagala.

Kilala din umano ng Army ang lalaking may inilagay na bagay sa ulo ng isa sa mga napatay na sundalo.

Ayon kay Zagala, sundalo rin ang lalaki at kapatid ng napatay na si Corporal Abdal Asula.

"Mayroon tayong lapses dito kasi siguro si... 'yong kaniyang kapatid ay nakita niyang patay na 'yong kapatid niya," ani Zagala.

"Gusto lang niyang secure 'yong mga personal belongings at naglagay siya ng T-shirt na parang unan sa ulo ng kaniyang kapatid na namatay," dagdag ni Zagala.

Samantala, ipinauubaya na ng pulisya sa National Bureau of Investigation ang pag-aaral sa mga footage.

Tiniyak din ng Philippine National Police na makikipag-cooperate sila sa imbestigasyon ng NBI.

Sinibak na rin ang hepe ng Jolo police na si Walter Annayo para hindi umano maimpluwensiyahan ang imbestigasyon.

Pinalit kay Annayo si Lt. Col. Filmore Abdusalam Calib bilang officer in charge ng Jolo Municipal Police.

Sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na sa darating na weekend, pupulungin ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng pulis at militar kaugnay ng insidente.

Napatay noong Lunes ang 4 na sundalo matapos umanong makaengkuwentro ang ilang pulis sa bayan ng Jolo, Sulu.

Sa police report, sinita ng mga pulis sa checkpoint ang SUV na sinasakyan ng mga sundalo, na noo'y may hinahanap na 2 suspected suicide bomber mula sa Abu Sayyaf group. 

Inimbitahan umano ang 4 na sundalo sa Jolo Municipal Police Station para sa beripikasyon subalit humarurot paalis ang mga ito at kalaunan ay bumunot ng baril kaya pinaputukan ng mga pulis.

Pinabulaanan naman ng Army ang ulat ng pulisya at sinabing sumunod ang mga sundalo nang patigilin at bigla na lamang pinagbabaril.

-- Ulat nina Jorge Cariño at Zhander Cayabyab

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.