9 huli sa pagsusugal, paglabag sa physical distancing sa Caloocan restobar

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 11:19 AM | Updated as of Jul 02 2020 06:55 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang isang babaeng bar owner at walong lalaki matapos mahuli ng mga awtoridad na lumalabag sa ilang safety protocols kontra COVID-19 sa isang restobar sa Barangay 106, Caloocan, gabi ng Miyerkoles. 

Nag-ugat ang pag-aresto matapos makatanggap ng reklamo ang Inter-agency Task Force hinggil sa nilalabag na safety protocols ng bar.

Nang makapasok sa establisimyento, natuklasan nilang walang physical distancing ang mga tao sa loob ng resto bar habang may iba na abala rin umano sa pagsusugal dahil may bilyaran rin sa loob.

Dito na inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group
ang 44 anyos na babaeng bar owner at 8 sa lalaking nagpupustahan at naglalaro ng bilyar.

"Nakita namin malaki ang pustahan sa sugal nila," ani CIDG Camanava chief PLt. Col. Dennis Rodriguez

Bukod pa sa walang physical distancing ay wala rin umanong suot na face masks ang mga customer. 

Wala ring nakalagay na mga foot bath at maging mga hand sanitizer, na kinakailangan alinsunod sa mga omnibus guidelines ng IATF.

Depensa ng may-ari ng bar na si alyas "Queenie", hindi naman bukas ang mismong resto bar niya at pinauupahan niya lamang ito sa nagpapatakbo ng bilyaran. 

Kuwento naman ng ibang nahuli, nais lang nila malibang matapos ma-lockdown sa bahay nang mahigit 3 buwan kaya nagpunta sila sa bilyaran. 

"Natatakot naman nagkasakit pero bored na," ani alyas "Anthony," isa sa mga naaresto 

Paulit-ulit rin aniya pinapaaalalahanan ang mga customer na wag magkumpulan pero hindi umano siya sinusunod.

Mahaharap ang mga naaresto sa reklamong paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health. Events of Public Health Concern Act, Illegal Gambling, at City Ordinance kaugnay sa physical distancing.  -- Ulat nina Lyza Aquino at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.