ARMM assemblyman, tinambangan sa Davao City

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2018 08:03 PM

DAVAO CITY - Tinambangan ang sasakyan ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Assemblyman Sidik Amiril Lunes ng hapon.

Patay sa insidente si Verie Adas, ang helper ng assemblyman na nakasakay sa likod ng pick-up.

Wala namang natamong sugat si Amiril at ang apat pang sakay ng bulletproof na sasakyan.

Ayon kay Amiril, galing sila sa isang mall sa lungsod at pauwi na sana ng bahay niya nang nakarinig ng mga pagputok sa likod na bahagi ng sinasakyang pick-up.

Aniya, sakay sa isang silver na van ang mga hindi pa kilalang armado.

Nang narinig ang sunod sunod na pagputok, huminto ang kanilang sasakyan at nilampasan ng van.

Wala pang klarong motibo sa nangyaring pananambang o kung may kinalaman ba ito sa pulitika.

Lumalabas naman na kabilang si Amiril sa listahan ng mga "narco-politicians."

May CCTV na nakalagay sa labas ng isang bahay na posibleng makatulong sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad pero ayon naman sa may-ari, hindi ito gumagana.

Iniimbestigahan pa ng Scene of the Crime Operatives ang nangyaring insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.