Antipolo market isasailalim sa 14-day lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 03:55 PM | Updated as of Jul 01 2020 05:22 PM

Isinailalim sa 14 araw na lockdown ang Antipolo New Public Market matapos magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang 18 vendor at tenant.

Nasa 800 tenant ng public market ang sumailalim sa coronavirus testing noong Hunyo 29, kung saan 28 ang nagpositibo sa rapid test.

Nang dumaan sa confirmatory test, 18 ang kumpirmadong positibo sa virus.

Inilagay na sa isolation facilities sa lungsod ang mga positibo at nagsimula na ring mag-contact tracing ang mga awtoridad, ani Enrilito Bernardo Jr., Antipolo City Disaster Risk Reduction Management officer.

Ngayong Miyerkoles, bumalik sa Antipolo New Public Market ang mga vendor at tenant para linisin ang kanilang mga puwesto at iuwi ang kanilang mga gamit.

"Kinuha ko na ang chicken para dalhin sa kabilang puwesto. Doon na lang muna ititinda," anang tindera na si Mara Macaraeg.

"Sa babuyan ako... Mahirap kasi walang income. Walang magagawa, kailangan sumunod sa batas for the sake of everybody, anang tindero na si Jose Rizalito Mesa.

Nagpadala na rin ng sanitation team para i-disinfect ang establisimyento.

"Ever since the lockdown, we strictly implemented social distancing and health protocols," sabi naman ni Richard Guillermo, market administator ng Antipolo New Public Market.

Apela naman ni Guillermo sa lokal na pamahalaan: "Sana mapagbigyan na makabukas nang mas maaga. Ang paghihigpit namin dodoblehin pa namin."

Ayon naman kay Bernardo, maaaring paikliin ang 14-day lockdown depende sa pagsunod sa health and safety protocols.

"Para masiguro na di na kumalat ang infection, although ang 14 days yun ang prescribed by the [Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases]," aniya.

Magbibigay naman daw ang lokal na pamahalaan ng food assistance sa mga apektadong vendor at tenant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.