Mga nais mag-board exam sa pagka-guro, inireklamo ang sistema ng PRC

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2018 07:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pahirapang pagproseso ng aplikasyon bago makakuha ng Teachers Board Exam ang reklamo ng ilang aplikante laban sa Professional Regulation Commission (PRC).
    
Natakot magpakilala si alyas "Eddie" sa "Tapat Na Po" pero siya raw ang ginawang kinatawan ng grupo nilang aplikante para sa board exam ng PRC.

Ipinadala ng grupo ang cellphone video para patunayan ang hirap na pinagdaraanan nila dahil sa ahensiya. 

Pinaparehistro daw kasi sila online para makakuha ng application form at pinagbabayad sa isang Landbank account lang.

"Ang problema is ang mga kasama namin walang account doon at di sila makakakuha saka pag walk-in sila, di sila nae-entertain kasi wala daw forms," hinaing ni Eddie.

Hindi rin daw binibigyang pansin ang mga walk-in kahit malalayo pa ang pinanggalingan.

Kaya raw sila pumunta sa Cebu pa dahil ang akala nila mas mabilis ang pagproseso ng aplikasyon doon.

"Kung wala kang bahay na mapag-stayan, magbabayad ka sa hotel o boarding house doon. Gastos na naman po."

Idinulog ng Tapat Na Po sa PRC ang reklamo at nilinaw ni Commissioner Jose Cueto Jr. na nakausap niya ang regional director nila sa Cebu.
 
"Sabi niya wala namang issues na nae-elevate. I don't know what happened there, I want to assure you that I always tell our front liners na employees na i-accommodate lahat, wala sila ire-refuse," paliwanag ni Cueto.

Hindi rin daw totoo na sa Landbank lang puwedeng magbayad ng application fee.

"Puwede sila magpunta sa regional office o service center para magbayad sa cashier direct... Puwede rin mag walk-in lalo na approaching 'yung deadline," aniya. 

Pinakamaraming aplikante raw kasi ang board exam para sa mga guro na mahigit 1 milyon para sa elementary at secondary teachers.

Noong Hunyo 21, tuluyan nang nakapag-file ng aplikasyon si Eddie pero namumroblema pa rin umano ang iba niyang kasamahan.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.