14 Pinoy pinaghahanap matapos bumangga ang bangka sa cargo ship

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 05:48 PM | Updated as of Jun 29 2020 07:14 PM

Watch more in iWantTFC

Labing-apat na mangingisdang Pilipino ang pinaghahanap ng mga awtoridad matapos makabanggaan ng kanilang bangka ang isang Hong Kong-registered vessel sa dagat na sakop ng Occidental Mindoro noong Linggo.

Ayon sa Irma Fishing & Trading Co., ang kompanya ng fishing vessel na FV Liberty 5, galing Cagayan de Tawi-Tawi ang bangka pero nagtaka sila nang hindi na nag-report ang kapitan na si Jose Alfonso sa lokasyon ng mga ito.

Lalong nagtaka ang kompanya nang hindi nakarating ang bangka sa Navotas Port, ayon kay Irma Fishing & Trading Co. General Manager Fermin Sato.

Nakabangga umano ng naturang bangka ang MV Vienna Wood-N isang Hong Kong-registered bulk carrier vessel na may 20 tripulante, karamihan ay Chinese.

Galing Subic, Zambales at patungong Australia ang barko, na nagtamo ng maliit na butas sa harapan.

Nitong umaga ng Lunes, agad lumipad ang helicopter at eroplano ng Philippine Coast Guard (PCG) para suyurin ang karagatan ng Occidental Mindoro pero bigo silang matagpuan ang mga mangingisdang Pinoy.

Tumulong din sa paghahanap ang search and rescue helicopter ng Philippine Air Force.

Sakay ng speed boat, ginalugad din ng mga tauhan ng Occidental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga lugar malapit sa pinangyarihan ng aksidente.

Nahatak na sa Batangas Bay ang MV Vienna Wood-N.

Ayon kay Commodore Leovigildo Panopio, commander ng PCG Southern Tagalog, iimbestigahan nila ang nangyari.

"Hindi pa rin namin ma-determine kung kaninong fault ito," ani Panopio.

Itutuloy sa umaga ng Martes ang search and rescue operations.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.