Napagbintangang magnanakaw sa Tondo iginapos sa poste, ginulpi

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 06:35 PM | Updated as of Jun 28 2019 07:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan ng video ng isang Bayan Patroller ang pananakit sa isang lalaki na sinasasabing magnanakaw sa Tondo sa Maynila. 

Sa video, makikitang hinahampas ng isang lalaking nakaputing sando habang nakaposas sa poste ng isang basketball ring sa Barangay 166, District 2 ang isang lalaking umano’y nahuling nagnanakaw. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Maririnig pa na humihiyaw na ang lalaking hinahataw ng kadena habang tinatanong kung uulit pa siya sa kaniyang ginagawa. 

May iba rin umanong mga residenteng nakasaksi sa nangyari. 

Ayon sa residenteng si Remedios Paras, may mga galos sa katawan ang lalaking iginapos. 

Umiiyak naman daw ang lalaki at nakiusap na itigil ang paghahampas sa kaniya, kuwento sa isa pang residenteng si Helen Undo. 

Ayon sa kapitan ng barangay na si Teresa Robles, dalawang beses na umanong nagnakaw ang salarin at nakuhanan pa ito ng CCTV. 

Dinala rin siya sa barangay pero pinauwi dahil wala pa raw nagsasampa ng reklamo laban sa kaniya. 

Gayunman, kinondena pa rin nila ang ginawang pananakit sa lalaki. 

"Hindi tama 'yun kasi ang SOP namin 'pag may nahuling magnanakaw. Hulihin niyo, dalhin niyo sa barangay, i-blotter, and then kung may complainant dalhin sa presinto,” ani Robles. 

Ikinalulungkot naman ni "Mang Boy," ang ama ng umano'y nahuling magnanakaw ang sinapit ng kanyang anak. 

"Gagawin mo parang hayop naman 'yung bata. Palo rito, palo roon,” aniya. 

Pinuna rin ng Commission on Human Rights ang pangyayari at pinaalalahanan ang lahat tungkol sa due process na dapat pagdaanan ng mga nahuhuling salarin. 

Desidido rin ang barangay na hanapin ang nanghampas ng kadena at panagutin sa ginawa niya. 

Nakikipagtulungan na rin ang barangay sa CHR para maresolba ang insidenteng ito. 

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.