P11M halaga ng pekeng produkto, sinira sa Camp Crame

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 12:58 PM | Updated as of Jun 28 2018 06:06 PM

MANILA - Sinira ng mga awtoridad ang daan-daang pekeng sabon, bag, gadgets at mga gamot na nagkakahalaga ng P11 milyon, Huwebes ng umaga.

Ang mga sinirang pekeng produkto sa Camp Crame sa Quezon City ay maliit na bahagi lamang ng mga nasamsam na mga counterfeit goods ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Customs, at iba pang ahensya ng gobyerno, sabi ng mga opisyal mula sa Department of Trade and Industry.

Inaasahan ng mga awtoridad na aabot sa P6.7 bilyon ang kabuuang halaga ng lahat ng mga nakumpiskang produkto mula sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Nakatakdang sirain ang iba pang mga piniratang gamit sa mga susunod na araw.

Nagkaroon ng malawakang crackdown laban sa mga counterfeit goods ang gobyerno ngayong taon kung saan kasama sa mga ni-raid ang ilang mga mall, pamilihan, at mga bodega sa iba't ibang bahagi ng bansa.

- ulat mula kay Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.