Asawa ng pulis na namatay sa Samar, naniniwalang naging 'ambush' ang 'misencounter'

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2018 10:57 PM

Sa kabila ng opisyal na pahayag ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), naniniwala ang asawa ng isa sa mga pulis na nasawi sa engkwentro sa Samar na "ambush" ang naging "misencounter" umano.

Hindi makapaniwala si Graceil Escalo na huling beses na niyang makakausap ang asawang si PO1 Julie Escalo noong Linggo.

Isa si Julie sa mga pulis na nasawi sa engkwentro sa pagitan ng mga pulis at sundalo sa Santa Rita, Samar nitong Lunes.

Tinamaan sa kanang paa si Julie. Naubusan ito ng dugo na siyang naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Hindi matanggap ni Graceil na kapwa puwersa ng gobyerno ang makakapatay sa kanyang asawa na apat na taon pa lamang sa serbisyo.

"Mahirap sa amin na ganoon ang nangyari kasi matatanggap pa namin kung mga kalaban ang gumawa nun," aniya.

Para sa kanya, ambush ang nangyari at hindi misencounter. Umaga nangyari ang insidente at para kay Graceil, imposibleng hindi makilala ng mga sundalo kung sino ang kanilang nakakasagupa.

"Ambush talaga 'yun imposible naman na hindi, walang koneksiyon between police sa army," aniya.

Una nang binanggit ng mga opisyal ng PNP at AFP na mayroong coordination ang operasyon ng Regional Mobile Force pero nangyari pa rin ang misencounter.

Gustong alamin ng mga opisyal ng PNP at AFP kung hanggang saan lamang nakarating ang nasabing coordination.

"We're open for investigation. As far we are concerned this is an internal matter between AFP and PNP," ani Police Director General Oscar Albayalde.

"Joint investigation so that we can thoroughly look on the all angles kung saan nagkaroon ng lapses," dagdag naman ni General Carlito Galvez.

Para sa mga opisyal, ang nangyari sa Santa Rita ay magiging leksiyon sa lahat upang mas pag-aralan pa ang mga alituntunin upang hindi na malagasan pa sa susunod na imbestigasyon.

Sinisiguro rin ng mga opisyal na walang mangyayaring whitewash sa kanilang imbestigasyon, at pananagutin ang mga dapat managot sa insidente.

"That's part of the investigation, the level of coordination kung hanggang saan nakarating, from top to bottom," ani Albayalde.

"Yung mga sundalo na involved, they were now disarmed. There is ballistics to be undertaken," dagdag ni Galvez.

Inaasahang darating sa Police Regional Office 8 sa Leyte si Pangulong Rodrigo Duterte sa Biyernes para makidalamhati sa mga pamilya ng mga biktima sa pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.