Public market sa Angeles, pansamantalang isinara matapos may magpositibo sa COVID-19

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 11:13 PM

ANGELES CITY - Pansamantalang isinara ang Pampang Public Market sa lungsod na ito matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isa sa mga tindero rito.

Ipinag-utos ni Mayor Carmelo Lazatin Jr. ang pansamantalang pagpapasara sa palengke simula nitong Miyerkoles, Hunyo 24, matapos lumabas ang resulta ng COVID-19 test ng isang tindero.

Dinala sa ospital ang 21 anyos na tindero nitong Lunes matapos magpakita ng mga sintomas ng COVID-19. Napag-alamang may diabetes din ang vendor na namatay nitong Miyerkoles.

Sa emergency meeting na ipinatawag ni Lazatin, inatasan ang mga miyembro ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office, city Rural Health Unit 3 katuwang ang Rafael Lazatin Memorial Medical Center na magsagawa ng rapid test sa lahat ng mga stall owner at vendor sa nasabing palengke.

Ayon kay Pampanga Public Market administrator Jessie Lugtu, isasailalim sa rapid test ang mahigit 1,500 na stall owners, maging hanggang 2 tauhan nila sa tindahan.

Ang City Environment and Natural Resources Office naman ay magsasagawa ng disinfection protocol sa loob at labas ng pampublikong pamilihan.

Magkakaroon din ng intensive contact tracing sa lahat ng nakasalamuha ng vendor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.