Higit 100 stranded passengers inihatid ng PNR tren patungong Bicol

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 10:04 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Umabot ng 117 stranded passengers ang napauwi Huwebes ng umaga patungong Bicol area sa pamamagitan ng Philippine National Railways (PNR) sa ilalim ng Hatid Tulong Initiative.

Alas-2:45 ng madaling araw nang tumulak ang tren mula sa Tutuban Station patungong Bicol lulan ang mga pasaherong naipit sa lockdown sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito na ang ikalawang batch ng mga stranded na pasahero na makakauwi ng Bicol sakay ng PNR.

Masusundan pa ito ng ibang biyahe sa buwan ng Hulyo.

Limang estasyon ang hihintuan ng tren sa Bicol area tulad ng Ligao, Albay Station; Ragay, Camarines Sur Station; Libmanan, Camarines Sur Station; Naga City Station; at Iriga Station.

Sa mga nasabing estasyon lamang puwedeng bumaba ang mga pasahero ng tren.

Ayon kay Atty. Maria Criselda Ecalnea ng PNR, nasa 600 katao ang nagpahayag ng interes na makauwi patungong Bicol at sisikapin nilang maihatid ang mga ito.
 
Bago makasakay ng tren ay isinailalim muna sa rapid test ang mga pasahero at sinigurong walang simtomas ang mga ito.

Pagdating naman nila sa kanilang mga probinsiya ay sasalubungin sila ng tauhan ng kanilang local government unit at idederetso sa quarantine facility at doon mananatili ng 14-days.