Palengke sa Angeles City, ipinasara matapos mamatay ang 21-anyos na tindero sa COVID-19

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 05:43 PM

FILE: Angeles Public Market

ANGELES CITY – Pansamantalang ipinasara ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr. ang Pampang Public Market simula Miyerkoles matapos na mamatay ang isang tindero na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Inadmit ang 21-anyos na tindero sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center nitong Lunes dahil nagpakita ito ng mga sintomas ng COVID-19. May diabetes din ang vendor na namatay na nitong Martes. 

Sa emergency meeting na ipinatawag ng alkalde, inatasan nito ang mga miyembro ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Rural Health Unit 3, katuwang ang Rafael Lazatin Memorial Medical Center na magsagawa ng rapid test sa lahat ng mga stall owner at vendor ng nasabing palengke.
 

Ang mga magpopositibo sa rapid test ay kaagad na ia-isolate at isasailalim sa polymerase chain reaction (PCR) test.
 

Ang City Environment and Natural Resources Office naman ay magsasagawa ng disinfection protocol sa loob at labas ng pampublikong merkado.
 

Magkakaroon din ng contact tracing sa lahat ng nakasalamuha ng vendor. 

Sa huling tala ng Angeles City, 
may 29 confirmed positive cases ng COVID-19, 2 ang active cases mula Barangay Margot, 23 ang gumaling habang 4 na ang namamatay.