Mga jeep sa Baguio City pinayagan maglagay ng 'tip box'

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 06:57 PM


BAGUIO CITY — Sa kabila ng limitadong kapasidad ng mga pampasaherong jeep, hindi pa rin pinapayagan ang mga ito na magtaas ng singil sa pasahe dito sa lungsod. 

Gayunman, pinayagan ng isang ordinansa sa Baguio City ang paglalagay ng tip box para makatulong sa mga tsuper. 

Ngayon kasing nakabalik na sa kalsada ang mga tsuper, kalahati na lang ang puwedeng isakay dahil sa physical distancing pero pareho pa rin ang pasahe kaya labis ang lugi ng mga drayber.

Ito ang dahilan kaya inaprubahan na ng konseho at ng alkalde ng Baguio City ang ordinansang nagbibigay ng pahintulot sa mga jeepney driver na maglagay ng tip boxes sa kanilang jeep. 

Dito maaring ilagay ng mga pasahero ang kanilang tip o pasasalamat sa mga tsuper. 

"Nalulugi pa rin sila because of this. Tumataas naman ang spare parts ng mga sasakyan, tapos bibili pa sila ng alcohol... Ang council, wala naman silang karapatan na magtaas ng pamasahe because that jurisdiction belongs to other offices. So, that is one way of doing our share on the part of the city government. Bukod doon sa maliit na financial assistance sa mga jeepney drivers and operators," ani Baguio City vice mayor Faustino Olowan. 

Epektibo ang ordinansa habang hindi pa bumabalik sa dati ang kapasidad ng mga jeep o hangga't walang nailalabas na bagong fare matrix ang pamahalaan. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.