6 sundalo sugatan sa pagsabog sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 02:23 PM

Nabasag ang salamin at nagkabutas-butas ang military truck na sinakyan ng mga sundalong galing sa medical mission matapos na masabugan ng dalawang improvised explosive device sa bayan ng Magpet sa North Cotabato. Philippine Army 19th Infantry Battalion

MAGPET, North Cotabato – Anim na sundalo ang nasugatan sa magkasunod na pagsabog sa Barangay Doles sa bayang ito, Huwebes ng hapon.

Galing sa medical mission ang tropa ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army kasama ang grupo mula sa Integrated Provincial Health Office ng Cotabato Provincial Government.

Pauwi na sana sa bayan ng Arakan ang mga sundalo nang biglang sumabog ang dalawang improvised explosive device sa gilid ng kalsada.

Matapos ang pagsabog ay pinaputukan pa ang mga sundalo. 

Nabasag ang salamin at nagkabutas-butas ang military truck na sinakyan ng mga sundalo.

Ayon sa militar, ang New People’s Army ang nasa likod ng pagpapasabog.

Sa anim na mga sundalong sugatan, dalawa ang dinala sa Camp Panacan Station Hospital sa Davao City para mas matutukan ang kanilang kondisyon.

Nitong nakalipas na mga araw, dalawang kampo ng NPA ang nadiskubre ng militar sa bayan ng Magpet na nagsilbing training ground ng grupo.

Mariing kinondena naman ng Cotabato Provincial Government ang nangyaring pagsabog na ikinasugat ng mga sundalo. Hangad lamang umano ng mga sundalo ang magpaabot ng serbisyo sa mga residente sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.