2 tricycle, motorsiklo inararo ng SUV sa Naga City; 3 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 12:13 PM

Dalawang tricycle at isang motorsiklo ang binangga ng kasalubong nilang sasakyan sa may Naga City. Kuha ng CCTV mula sa Naga City Police Office

Dalawang tricycle at isang motorsiklo ang binangga ng kasalubong nilang sasakyan sa may Naga City. Kuha ng CCTV mula sa Naga City Police Office]

Tatlo ang nasugatan matapos araruhin ng isang SUV ang 2 tricycle at isang motorsiklo sa Naga City noong gabi ng Biyernes.

Nakuhanan ng closed-circuit television camera ng Naga police ang insidenteng nangyari sa Maharlika Highway, Barangay Mabolo bandang alas-8 ng gabi.

Unang binangga ng SUV ang pampasaherong tricycle na minamaneho ni Reynaldo Zamudio 53, bago nahagip ang motorsiklong minamaneho naman ni Junel Francisco, 21.

Huli umano nitong binangga ang pribadong tricycle ni Gilbert Percil, 44.

Tumakas umano ang driver ng SUV pero kalaunan ay nahuli ng mga awtoridad.

Inamin umano ng SUV driver na nakainom siya nang mangyari ang insidente. Humingi rin siya ng paumanhin sa mga nasugatan.

Patuloy na ginagamot ang mga nasugatan sa ospital.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties ang suspek. -- Ulat ni Rizza Moster, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.