Transport consultant tutol sa balik-operasyon ng motor taxis

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 04:38 PM | Updated as of Jun 21 2020 06:21 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Inihayag ngayong Linggo ng transportation expert na si Alberto Suansing na tutol siya sa panukalang ibalik ang operasyon ng mga motorcycle taxi, na aniya'y hindi ligtas.

Bukod sa operasyon ng motorcycle taxi, hindi rin pabor si Suansing, consultant ng Department of Transportation, na payagan ang pag-angkas sa mga motorsiklo kahit pa magkamag-anak ang magka-angkas.

"Primordial diyan 'yong health. 'Di naman biro-biro 'yong transmission [na] iniiwasan natin. Personally, hindi ako pabor, unsafe pa 'yon," ani Suansing sa isang online press conference.

Inirekomenda ni Suansing ang pagsusuot ng protective gear para sa mga gustong mag-backride sa motorsiklo.

"Dapat naka-PPE [personal protective equipment] pareho, 'di puwedeng plastic barrier kasi baka liparin lang 'yan," aniya.

"'Yon ngang face shield, hindi minumungkahi yan habang nagmamaneho. Mas mabuti ang full face na helmet kaysa 'yong face shield," dagdag niya.

Noong Biyernes, iminungkahi ng mga motorcycle taxi platform na Angkas at JoyRide ang paggamit ng plastic shield ng kanilang mga rider at pasahero para maging mas ligtas.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Sabado na bumubuo na ng mga alituntunin ang National Task Force on COVID-19 para sa pag-angkas sa motorsiklo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.