Volunteer nurses na nagsilbi sa COVID-19 referral center sa Maynila nakauwi na ng Butuan

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 01:14 PM

Ang tinaguriang "Magnificent 8" ng Butuan City. Kuha ni Gerald Pasco


BUTUAN CITY - Nakauwi na sa lungsod ang walong nurse na tinaguriang "Magnificent 8" ng Manuel J. Santos Hospital nitong Hunyo 15 matapos magsilbi sa COVID-19 referral center sa Maynila. 

Sinundo sila ng ambulansiya sa Cagayan de Oro at pagdating sa lungsod, idinaan muna sila sa ospital at dumiretso sa Butuan Medical Center Annex para sa rapid test.

Ipinadala ang walo sa Our Lady of Lourdes Hospital, isang COVID-19 referral facility sa Maynila, noong Abril.

Aminado ang isa sa mga nurse na si Gerald Pasco na malaking hamon sa kanila ang pagserbisyo sa mga COVID-19 patients sa Metro Manila lalo na't malayo din sila sa kanilang pamilya.

“Actually gipilian kung kinsay gusto nag-volunteer gyud mi sa among team ba kami gyud heartily gyud nga gusto mi motabang gusto namu maka experience ani nga which is bag o mam ba”, sabi niya.

(Pinagpilian kami kung sino ang may gusto, nagvolunteer kami ng team buong puso na gusto naming tumulong at gusto din namin maka experience ng bago.)

Dagdag pa ni Gerald, hindi nawala ang kaba at takot noong nasa Maynila sila pero mas nanaig ang awa nila sa mga pasyente lalo na at walang magbabantay sa kanila kundi mga nurse.

“Pag abot gyud nga naa na sa actual na mawala na imung kahadluk maam kundi mapulihan siya og kaluoy sa pasyente labina nga kasagaran sa ila walay kauban sa room, sila lang. Wala sila ma makapagawas sa ilang emotion kundi kami nga mga nurse. Ang amu lang gyud nga masuportahan sila emotionally ug paggiya," aniya.

(Pagdating sa actual ma'am mawala na ang takot at mapalitan na ito ng awa sa mga pasyente lalo na karamihan sa kanila walang kasama sa kwarto, sila lang. Wala silang masabihan ng kanilang nararamdaman kundi kami lang na mga nurse. Ang amin lang na masuportahan sila emotionally at mapatnubayan.)

Sa social media post ng pamunuan ng Manuel J Santos Hospital, malaki ang kanilang pasasalamat sa "COVID-19 warriors" sa kanilang dedikasyon, commitment at tapang na magserbisyo ngayong nahaharap sa krisis.

Bago pa sila nakauwi sa lungsod isinailalim muna sila sa isang COVID-19 test. Naka-quarantine ng 14 araw ngayon ang mga nurse.