DOH: 25 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa CARAGA

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 10:18 PM

BUTUAN CITY--Kinumpirma ng isang regional health official nitong Sabado na nadagdagan ng 25 kaso ng COVID-19 ang rehiyong CARAGA.

Ito’y base sa natanggap nilang RT-PCR results nitong Biyernes.

“Of the 36 RT-PCR positive results 25 are new confirmed positive for COVID-19, 60% of that belong to the ages 21 to 40 years old. Of our 25 new cases, only one is manifesting mild signs and symptoms, while the 24 are all asymptomatic,” sabi ni Dr. Jose Llacuna Jr., regional director ng Department of Health, Center for Health Caraga.

Sa 25 nadagdag na kaso 16 nito ay taga Butuan.

Ayon sa DOH, sa mga nagpositibo, apat ang returning overseas Filipinos, 14 ang locally stranded individuals, isang health worker mula Butuan, at isang imported case mula Zamboanga del Sur na kasalukuyang nasa quarantine facility ngayon.

Sa mga nagpositibo, may dalawang kaso na may travel history sa Butuan at tatlo naman ang walang travel history sa lugar na may nagpositibo. Kaya’t nagdeklara ng local transmission ang DOH sa Butuan, mungkahi ni Llacuna.

Sa pinakahuling tala ng mga kaso sa Butuan, dumoble ang bilang nito sa isang linggo lang dahil na rin sa pagdating ng mga LSI at OFW.

Hinigpitan ngayon ng kapulisan ang mga control checkpoints sa mga papasok sa Butuan. Tanging mga may importanteng lakad lang ang pinapapasok at sinusuri rin ang mga dalang dokumento.

Dahil sa local transmission, abiso ng DOH na higpitan pa ang isolation at quarantine measures para hindi na tumaas ang kaso sa rehiyon.

Sa ngayon, aabot na sa 56 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa CARAGA kung saan pito ang nakarekober na.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.