Marijuana sa loob ng 'art work' nasabat sa bagahe mula US

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 11:59 AM

Mahigit isang milyong pisong halaga ng marijuana ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Port of Clark sa Pampanga. 

Ayon sa Customs, 966 na gramo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P1.1-million ang nadiskubre sa padalang bagahe mula sa Amerika. 

Idineklara ang naturang shipment bilang mga “art-work fine” mula sa California, USA na dumating sa bansa noong June 9.

Idinaan ang shipment sa profiling ng mga tauhan ng Customs at isinalang din sa x-ray examination. 

Sa physical examination, nadiskubre ang 2 vacuum-sealed na plastic packs kung saan itinago ang marijuana. 

Sa isinagawang chemical analysis ng Philippine Drug Enforcement Agency, kumpirmadong marijuana ang shipment. 

Nai-turnover na ang naturang mga kontrabando sa mga tauhan ng PDEA Region 3.

Hindi naman tinukoy ng Customs kung sino ang nagpadala ng shipment at kung sino ang dapat sana’y tatanggap nito dito sa bansa. 

Hindi ito ang unang beses na may nagtangkang magpalusot ng kontrabando sa Port of Clark dahil noong Marso, nakasabat na rin ang Customs sa Port of Clark ng P13.2-Million na halaga ng marijuana .