Mga taga-Albay na na-stranded sa Baclaran Church pauwi na

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 05:08 PM | Updated as of Jun 18 2020 06:47 PM

MAYNILA — Nagsimula nang bumiyahe pauwi ngayong hapon ng Huwebes ang libo-libong taga-Albay na ilang buwang na-stranded sa Baclaran Church sa Parañaque.

Bandang alas-4 ng hapon nang magsimulang bumiyahe pauwi ang tinatayang nasa 1,200 na-stranded, sa ilalim ng Balik Probinsiya program ng provincial government ng Albay at Office of the Vice President.

Requirement sa mga uuwi ang medical certificate na ginawa 2 linggo bago ang biyahe o negative result ng rapid test.

Ang mga hindi pa dumadaan sa rapid test ay puwedeng sumalang sa libreng rapid test ng Baclaran Church sa tulong ng mga donor.

Watch more in iWantTFC

"On the spot after 20 minutes, nakukuha natin ang resulta," ani Joshua May Austria, medical coordinator ng Baclaran Church.

"Importante na magkaroon tayo ng mga open hotline para sa mga gustong umuwi ng probinsya... marami po talaga dito sa Kamaynilaan ang lumilipat sa amin na wala na talaga," ani Bro. Ronald Balasi.

Kasama sa mga makakauwi na si Edwin Baloloy at ang kaniyang pamilya.

Tatlong buwan na-stranded sila Baloloy sa Baclaran matapos makipaglibing sa namatay niyang biyenan noong Marso.

Ang mga kamag-anak ng kaniyang misis na tumulong sa kanila at ayudang natanggap ang nagtawid sa kanila nang ilang buwan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Baclaran Church sa ibang local government unit para makauwi na sa lalong madaling panahon ang mga na-stranded na taga-ibang probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.