Stranded na mga Pinoy sa Amsterdam Airport, nakalipad na sa Pilipinas

Jofelle Tesorio, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 05:04 PM | Updated as of Jun 17 2020 05:25 PM

Na-stranded ang grupo ng 12 OFWs sa Amsterdam Schipol Airport nang ilang araw dahil sa quota ng mga tinatanggap na pasahero sa Maynila. Contributed photo

AMSTERDAM – Nakauwi na sa Pilipinas ang 12 overseas Filipino worker na na-stranded sa Amsterdam Schiphol Airport nang ilang araw dahil sa quota umano sa bilang ng mga tinatanggap na umuuwing OFW sa Maynila. 

Ang grupo ng mga Pinoy na karamihan ay seafarers ay nakarating sa Pilipinas lulan ng isang KLM Flight noong Martes ng gabi. 

Dumating ang grupo mula sa Curacao noong Lunes sa Schiphol Airport para sa kanilang connecting flight. Subalit hindi umano sila pinasakay sa eroplano patungong Maynila dahil may quota ang Pilipinas sa pagtanggap ng mga OFW na darating.

Nakipag-ugnayan ang asawa ng isa sa mga na-stranded na OFW sa FilCom-NL, ang bagong tatag na alyansa ng mga Filipino organizations sa the Netherlands, sa pamamagitan ng private message upang ipaabot ang nangyari sa grupo. Sinabi rin nito na lahat ng gamit ng mga na-stranded ay naka-check in na.

Agad na nakipag-ugnayan ang FilCom-NL sa Philippine Embassy na siyang kumontak sa KLM at Department of Foreign Affairs Manila.

Kinabukasan ay binisita kaagad ang mga na-stranded sa airport ng kinatawan ng Philippine Embassy. Pumunta din sa airport ang kinatawan ng FilCom-NL na mula sa Migrante-Amsterdam upang magbigay ng hygiene kit.

Ayon kay Consul Zoilo Velasco ng Philippine Embassy sa The Hague, nakakuha sila ng exemption mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaya pinayagang makasakay ng eroplano ang grupo patungong Manila. Nagbigay din ng kaunting financial assistance ang embahada para panggastos habang naghihintay ng kanilang flight.

Nagpasalamat naman sa kaniyang Facebook page ang asawa ng isa sa mga na-stranded sa mabilis na tulong ng Filipino Community sa Netherlands at sa embahada. Nagpaabot din ng pasasalamat ang isa sa mga OFW na nasa airport.

Kung hindi nakakuha ng exemption sa CAAP ang embahada ay baka abutin pa umano ng July 1 ang grupo sa airport dahil sa dami ng mga nagsisipag-uwiang OFW.

Ang grupong galing Curacao ay ilan lamang sa mga OFW na na-stranded sa mga airport habang pauwi sa Pilipinas dahil sa quota na pinatutupad ng gobyerno. Marami sa kanila ang natapos ang kontrata dahil sa COVID-19 crisis.

Sa The Netherlands, isa sa mga bansa kung saan maraming Pilipinong seafarers, may ilang nag-aantay din na makauwi. 

Ayon kay Velasco, wala silang bilang kung ilang seafarers ang kailangang umuwi dahil kadalasan ay ang mga employer o manning agency ang nag-aasikaso ng mga detalye. Aniya pa, nagkakaroon ng bottle neck sa pagpapauwi ng mga OFW dahil sa quota na ngayon ay halos 1,200 lang ang tinatanggap sa airport sa Maynila kada araw.

Kailangang mag-quarantine nang dalawang linggo ang mga bagong dating na OFW. At dahil limitado ang mga quarantine facilities para sa mga ito, hindi lahat ay sabay-sabay na pinauuwi o tinatanggap sa airport.

Samantala, naglabas din ng advisory ang Philippine Embassy sa The Netherlands sa mga OFW na uuwi na magpatala sa OFW Assistance Information System (OASIS), ang online tracking system ng Department of Labor and Employment (DOLE). 

Layunin ng OASIS na mas maging maayos umano ang pag-facilitate ng pagpapauwi sa mga OFW at matugunan ang kanilang pangangailangan sa testing, quarantine at housing pagdating sa Pilipinas. Maari umanong pumunta sa website na oasis.owwa.gov.ph para mag-rehistro.