ALAMIN: Alok na delivery jobs sa mga tsuper na tigil-pasada ngayong quarantine sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 06:56 PM | Updated as of Jun 19 2020 06:53 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - May iba't ibang alok na delivery jobs ang Quezon City local government para sa mga tsuper na tigil-pasada o nais makakuha ng dagdag-kita ngayong limitado pa rin ang pinapayagang uri ng transportasyon sa siyudad habang naka-quarantine. 

Isa rito ang PandaTODA, kung saaan maaaring mamasukan sa food delivery service ang mga tricycle driver na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Sa bisa ito ng partnership kasama ng food delivery service na FoodPanda. 

Para mag-apply sa PandaTODA, dapat 

  • 21 anyos pataas
  • Residente ng QC
  • Miyembro ng TODA
  • May professional driver’s license
  • May Tax Identification Number (TIN) 
  • May smartphone (Android: OS KitKat iOS: iPhone 4S) 

Kasama ang tricycle driver na si Norman Julia sa mga nagparehistro sa PandaTODA - na nagsimula sa pagtanggap ng mga aplikante ngayong Martes. 

Balik-pasada man aniya ang mga tricycle sa siyudad, aminado si Julia na kulang ang kanilang kita, lalo na’t limitado pa rin ang biyahe. Kung dati, P1,300 kada araw ang kaniyang kinikita, ngayon, P300 na lang. 

"Zero balance na kami eh wala na kaming pangbaon. Umaasa lang kami minsan sa ayuda,” ani Julia. 

Aabot sa 500 riders ang kukuhanin ng Quezon City LGU. 

Mayroon ding GrabTODA- na gaya ng PandaToda ay layong kumuha ng mga tricycle rider na mamamasada muna sa food delivery services. 

Sa ngayon, may 300 aplikante na para sa GrabTODA. 

Application requirements ng GrabTODA: 

  • 18 hanggang 50 anyos
  • Nagmamay-ari o nagmamaneho ng tricycle/motorsiklo na maaaring magamit sa delivery 
  • Marunong gumamit ng smartphone
  • May professional driver’s license na magagamit sa loob ng 3 buwan. 
  • Residente ng QC
  • Walang ibang hanapbuhay

“Karamihan ng tao ay nasa bahay lang. Pagka-nasa bahay lang sila ang means ng kanilang negosyo ay through delivery lang,” ayon kay Quezon City 4th District Counselor Winnie Castelo. 

Naglunsad din ang QC LGU ng Lala Jeep, isang partnership program kasama ang delivery service na Lalamove para sa mga tigil-pasada na jeepney driver. 

Application requirements ng LalaJeep 

  • 21 anyos pataas
  • Marunong gumamit ng smarphone
  • May aktibong email address
  • May GCash account
  • Malusog at walang sakit

Kung interesado, maaaring magpalista rito

Gagamitin ang mga jeep para mag-deliver ng mga package na may bigat mula 50 hanggang 600 kilos. 

Maaaring i-book ang Lala Jeep sa pamamagitan ng kanilang app. — Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.