'Mabuti na-test agad': Opisyal ng Marikina Public Market, naglinaw sa 'enhanced targeted mass testing'

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 03:29 AM

Naglinaw ang Marikina Public Market administrator nitong Huwebes hinggil sa isinagawang enhanced targeted mass testing sa naturang palengke.

"Nagsagawa ng enhanced targeted mass testing ang City Health Office (CHO) ng Marikina na bahagi ng puspusang precautionary measures ng lungsod. Ito ay istratehiya ng Marikina upang maging COVID-free ang nasabing palengke at kung may kaso ng COVID-19 ay agarang ma-contain ito," ayon kay si Dr. Mon Viliran sa Facebook post ng Marikina Public Information Office.

"Mabuti nang na-test natin kaagad para maiwasan ang hawaan kundi marami pang iba ang mahahawa lalo na sa palengke," dagdag pa niya.

Ayon sa opisyal, may mga balitang kumalat umano sa social media na marami ang nagpositibo sa isinagawang rapid testing at hindi naman aniya itinatago ang numero ng nagpositibo sa rapid testing kundi "nagkataon lamang na mas nauna pa ang tsismis bago sa resulta ng testing."

Batay sa datos ng opisyal, sa 2,000 na nai-test na stall holders, vendors, porters, at helpers, may lumabas sa inisyal na 66 ang reactive na indibidwal.

Dagdag pa niya, 45 ay helpers sa kabuuang 66 na nag-reactive sa rapid test at karamihan pa rito ay hindi taga-Marikina, kundi mga taga-Cupang at Mayamot, Antipolo; Balanti, Cainta; Pinagbuhatan, Pasig, at iba pang lugar.

"Kaya tayo sa Marikina Public Market ay agarang ipinasara ang mga 'suspected' stalls at isinailalim sa quarantine ang mga nag-reactive na helpers at iba pa," ani Viliran.

"Mabuti nang mas maaga pa lang ay ma-treat na ang mga reactive upang hindi mag-deteriorate ang kanilang kalusugan, at higit sa lahat ay ma-isolate upang hindi na makahawa pa. Ito ang ginawa natin ngayong araw sa tulong ng Brgy. Sta. Elena," dagdag pa niya.

Ayon kay Viliran, ang mga nag-reactive ay isasailalim sa confirmatory polymerase chain reaction test habang nagsasagawa ng agresibong contract tracing ang City Epidemiological Surveillance Unit (CESU) sa mga taong kanilang nakasalamuha at mga lugar na pinuntahan.

Hinihikayat din ng opisyal na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa CESU na magpupunta sa inyong mga kabahayan o puwesto sa palengke at kailangang magbigay ng matapat na impormasyon para sa contact tracing.

"Malaking problema natin ngayon ay hindi taga-Marikina ang namamalengke simula nang buksan ang mga borders nang mag-[general community quarantine] na," aniya.

"Sa susunod na mga araw may ay mga bahagi ng palengke na isasara para bigyang-daan ang massive disinfection, at maaring magkaroon ng schedule ang pagtitinda at pamamalengke."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.