Halos 700 tricycle drivers sa Las Piñas sumalang sa COVID-19 rapid tests

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 01:06 PM

Halos 700 tricycle drivers sa Las Piñas City ang sumalang sa expanded targeted testing ng lokal na pamahalaan na layuning tugunan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa lugar. 

Layunin nitong matiyak ang kalusugan ng mga tricycle driver ngayong panahon ng krisis matapos pahintulutan ng Las Piñas government ang kanilang pamamasada. 

Ayon kay Las Piñas City Mayor Mel Aguilar, bukod sa suspected COVID-19 cases, healthcare workers at frontliners ay prayoridad din na maisalang sa testing ang mga tricycle driver sa siyudad.

Binigyang-diin ng alkalde na nais din nitong matiyak ang kaligtasan ng driver sa gitna ng pamamasada at pasahero nito para maiwasan ang posible pang pagkalat ng virus. 

Sinabi naman ni City Health Office (CHO) chief Dr. Ferdinand Eusebio na patuloy ang isinagawang testing at mas pinaigting pa ang kanilang hakbang sa screening at contact tracing upang tugunan ang COVID-19 cases sa lungsod.

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.