Koreano na wanted sa kaniyang bansa nahuli sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 04:21 PM

MAYNILA — Timbog ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) noong Biyernes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Koreano na wanted sa kaniyang bayan dahil sa illegal gambling.

Kinilala ang suspek na si An Byeonghyeon, 27, na naaresto sa NAIA Terminal 1 matapos lumitaw sa Interpol database ng mga pugante ang kaniyang pangalan. 
 
"He was being processed at our counter when our primary inspector discovered that he is in the Interpol’s list of wanted fugitives... He was also traveling with a stolen travel document," ani BI port operations acting chief Grifton Medina

Gayunman, pinayagan ang Koreano na makalipad sa kaniyang Aseana Airlines flight kung saan naghihintay ang mga awtoridad sa kaniya sa Seoul.

"He (An) was arrested upon his arrival at the Incheon airport where Korean policemen were waiting for him," ani Medina. 

Batay sa ulat ng BI Interpol unit, dawit si An sa illegal online gaming sa website na "Syrup, Milk, Butter, Sugar" mula 2017 hanggang Marso ngayong taon.

Sa isang Manila office daw nag-o-operate sina An kung saan nangangalap sila ng pera sa mga kapwa Koreano para tumaya sa ilang sports competitions.

Inisyu ng Busan district court ang arrest warrant laban kay An noong Marso 7. 

Kasong paglabag sa national sports promotion act ng Korea ang kinahaharap ni An kung saan maaari siyang makulong nang hanggang sa 10 taon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.