Labi ng pilotong mayor na 'itinapon sa dagat', di makita

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 07:04 PM | Updated as of Jun 10 2017 12:16 AM

Bigo ang mga diver na mahanap ang mga labi ni Bien Undo Mayor Gisela Boniel na pinatay umano ng kanyang mister at itinapon sa dagat.

Sinuyod ng mga pulis, Philippine Coast Guard at pati na ng Korean divers ang Isla Kaubyan sa Lapu-Lapu City, Cebu sa paghahanap ng bangkay ni Boniel ng Bien Unido, Bohol. 

Dawit sa kanyang pagkamatay ang kanyang mister, si Bohol Board Member Rey Boniel.

Nabigo silang mahanap ang bangkay ng alkalde, na isa ring commercial airline pilot. 

Tumatayong testigo sa krimen ang kaibigan ng alkalde na si Angela Leyson. 

Ayon kay Leyson, madaling araw ng Hunyo 7 nang pasukin ng mga lalaki ang tinutuluyan nilang resort ng alkalde.

Tinutukan siya ng baril at binalot ng duct tape ang kanyang ulo. Nabanggit umano ng mga nag-uusap na mga lalaki ang palayaw ng board member.

Nagpang-abot sina Leyson at board member Boniel sa police regional office.

Paniwala ni Leyson, ang board member ang nasa likod ng pagpatay. 

Apat na buwan na umanong nag-aaway ang mag-asawa. 

Hawak na ng Philippine National Police Intelligence Branch ng Central Visayas ang driver ni Board Member Boniel at ang bangkero ng umano ay ginamit sa krimen.

Isinampa na ang kasong parricide kay Board Member Boniel. Kinasuhan din siya ng kidnapping, serious illegal detention, at physical injuries.

Isinailalim na siya sa inquest kahapon, at itinanggi niya ang mga paratang.

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.