7 arestado sa 2 'bahay-sugalan' sa Cavite; droga nasamsam

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 07:55 PM | Updated as of Jun 07 2019 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pito ang arestado matapos umanong mahuling nagsusugal gamit ang mga fruit game machine sa Bacoor, Cavite sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya nitong nagdaang linggo. 

Sa bisa ng reklamo ng ilang concerned citizen, sinalakay ng Bacoor police ang isang bahay sa Barangay Zapote 3 na ginagawa umanong pasugalan. Natagpuan dito ang ilang fruit game machine. 

Lima ang arestado at natagpuan sa umano’y sugalan ang aabot sa P355,000 halaga ng hinihinalang shabu na may timbang na 60 gramo. 

Kabilang sa naaresto ang hinihinalang nagtutulak ng droga at operator ng fruit game machine na si Jay Vizcarra. 

Bagaman aminadong nagmamay-ari sa sugalan, giit niya, hindi niya pagmamay-ari ang droga.

"'Yung drugs na 'yun iniwan lang sa 'kin, tiyempo lang noong raid sa akin inabot," aniya. 

Dalawang lalaki naman ang naaresto sa hiwalay na operasyon sa Barangay San Nicolas 3. 

Ayon kay Police Lt. Col Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, karamihan sa mga parokyano umano ng mga sugal tulad ng fruit game ay mga menor de edad. 

Ang iba umano sa mga naturang menor de edad ay ginagamit pa ng mga suspek sa mga ilegal na transaksiyon sa droga, dagdag niya. 

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Anti-Gambling Law.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.