Flights pa-GenSan, muling kinansela

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 05:43 AM

Matapos ang tatlong araw na muling pagbiyahe sa General Santos City, kinansela muli ang mga flights papunta sa lungsod simula Sabado.

Sa anunsyo ng Cebu Pacific, suspendido muna ang roundtrip Manila to Gensan flight. 

Ito, anila, ay dahil sa mga bagong restrictions ng lungsod ng General Santos. 

Matatandaan na ang GenSan ang unang destinasyon ng airline sa pagbabalik ng domestic flights nitong Miyerkules matapos ang higit dalawang buwang lockdown. 

Wala pang opisyal na pahayag ang lokal na pamahalaan ng Gensan ukol sa flight cancellation, pero sa kanilang Facebook post, inanunsyo ni Mayor Ronnel Rivera na nakapagtala na ng pangalawang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod. 

Ito rin ang nag-iisang active case sa lungsod dahil gumaling na ang unang COVID-19 patient. 

Ang pangalawang COVID-19 patient ay dumating, anila, sa Gensan mula Cebu noong Mayo 31 sakay ng sweeper flight. 

Nasa COVID facility na ang pasyente at nagsasagawa na ng contract tracing sa mga nakasalamuha niya sa eroplano at sa quarantine site. 

Samantala, tuloy pa naman ang ibang flights ng Cebu Pacific pa Cebu, Cagayan de Oro at Naga. 

Ang Air Asia naman ay may flights na rin pa Cebu at Cagayan de Oro ngayong araw pero ang Philippine Airlines ay sa Lunes pa ang simula ng karamihan sa mga domestic flights.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.