Dahil sa delay sa papeles, 6 na inarestong tsuper, 'di pa rin makapagpiyansa

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 11:16 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hindi pa rin makapagpiyansa ang anim na driver na miyembro ng grupong PISTON na naaresto matapos mag-protesta sa Monumento, Caloocan City nitong Martes.

"Sadly, made-delay na naman," ayon kay VJ Topacio, tumatayong abogado ng grupo.

Ayon kay Topacio, naglabas na ng resolusyon ang prosecutor's office matapos ma-inquest nitong Miyerkoles ang 6 na tsuper, na inaresto matapos umano lumabag sa physical distancing guidelines habang nasa isang kilos-protesta.

Ang mga naaresto ay sina Reuben Baylon, Wilson Ramilla, Elmer Cordero, Severino Ramos, Ramon Paloma, at Arsenio Ymas Jr. 

Pero dahil walang internet, hindi umano maipadala ang resolusyon sa pamamagitan ng e-mail sa Clerk of Court ng Caloocan.

"Dahil doon, hindi rin mai-raffle ng court at hindi rin magawan ng information," sabi ni Topacio sa panayam sa Teleradyo Sabado ng umaga.

Nakakalap naman umano sila ng P3,000 pang piyansa kada driver o kabuuang P18,000 sa tulong na rin ng mga taong sumusuporta sa mga tsuper.

"Nakakita na po ng probable cause ang prosecutor, ang inquest prosecutor, ang finile sa kanila simple disobedience," sabi ni Topacio.

Magugunitang inaresto ang mga driver matapos magsagawa ng “Busina para sa Balik Pasada” protest na nanawagang payagang nang bumalik sa kalsada ang mga jeepney. Lagpas 2 buwan nang hindi makapasada ang mga tsuper dahil sa COVID-19 travel restrictions.

Dagdag ni Topacio, bukod sa panawagan na makabalik sa pamamasada, namamalimos na rin umano ang mga driver dahil sa kakulangan sa ayuda.

Itinanggi naman ni Topacio na hindi nag-disperse ang grupo kaya sila hinuli. Sa katunayan aniya ay inimbitahan ang grupo sa estasyon ng pulisya at sumama naman ang 6 na tsuper.

"Mga 20 silang nagprotesta nung araw na 'yun pero 6 ang sumama kasi nag peacefully disperse 'yung iba. Wala namang ibang nangyari na pag-aresto. Pagdating doon, question and answer, hindi na po sila pinalabas. Doon po ang question mark, asan ang simple disobedience doon," sabi ni Topacio.

Umaasa si Topacio na idi-dismiss ng korte ang kaso laban sa 6 na drivers.

"Pero kung sakaling ituloy, ready naman tayong mag-piyansa at harapin ang kaso doon na mismo sa kung anong branch ng korte ito. Napakagaan ng kaso na kinakaharap ng anim kaya injustice na po ito na isang linggo na silang nakakulong," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.