Aabot sa 800 stranded na residente ng Sorsogon, makakauwi na

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 09:39 AM | Updated as of Jun 06 2020 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Makakauwi na ngayong Sabado ang 700 na mga residente ng Sorsogon na stranded sa Kamaynilaan, ayon kay Fr. Jose Dela Cruz ng Baclaran church.

Ayon kay Dela Cruz, kasali ang mga residente sa "Libreng Sakay: Balik Probinsya" program ng provincial government ng Sorsogon at sa tulong na rin ng Redemptorist priests sa Baclaran Church, Barangay Baclaran at ng opisina ni Vice President Leni Robredo.

Sa Baclaran church sa Parañaque magtitipon-tipon ang mga stranded na mga residente na una nang nagpagrehistro online. Kailangan din may travel pass ang gustong makasakay ng bus.

Una nang umalis nitong Biyernes ng gabi ang mga bus pa-Albay na nag-uwi rin ng nasa 700 katao na stranded sa Metro Manila.

Hindi puno ang mga bus para may physical distancing. Bukod sa libreng pamasahe, may mga pagkain din na binigay sa mga pasahero.

Marami pang mga planong libreng sakay ang Bicol region dahil marami pa rin sa mga residente ang na stranded sa Metro Manila nitong higit dalawang buwan na lockdown.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.