Pagawaan ng hindi awtorisadong food supplement sa Laguna sinalakay; 6 tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 05:12 PM

MAYNILA - Sinalakay ng mga awtoridad nitong Biyernes ang isang bahay sa Cabuyao, Laguna na ginagawa umanong timplahan at imbakan ng hindi lisensiyadong food supplement.

Arestado ang distributor nito gayundin ang tatlong menor de edad na taga-repack ng mga botelya. Inaresto rin ang dalawang delivery boy ng isang delivery service provider pero iginiit nila na tinawagan lang sila para i-pickup doon ang produkto.

Aabot sa 24,000 bote ng food supplement na Honey C, mga sangkap sa paggawa nito, at equipment na aabot sa P3 milyon ang kabuuang halaga ng nakumpiska ng pulisya.

Ayon kay Police Lt. Col. Reycon Garduque, hepe ng Cabuyao Police, walang registration sa Food and Drug Administration, maging sa Department of Trade and Industry, ang nasabing vitamins.

Taliwas ito sa mga naka-post sa social media na rehistrado ang nasabing food supplement at ito ay nakatutulong din laban sa COVID-19.

Naglabas ang FDA ng public health warning na hindi dumaan sa kanilang pagsusuri ang nasabing bitamina.

Maliban sa mga menor de edad, ipaghaharap sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 ang mga naaresto. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.