Mga pagupitan, beauty salon sa Lipa, naghahanda na para sa balik-operasyon

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 05:18 AM

Ilang mga pagupitan at beauty salon sa Lipa City, Batangas ang naghahanda na sa kanilang pagbabalik sa operasyon sa ilalim ng general community quarantine.

Ayon kay Romeo Sarmiento, magsusuot sila ng mask at mag-iispray ng alcohol bilang paghahanda sa kanyang pagupitan.

Kwento niya, paisa-isa lamang ang kanyang kliyente noong mahigpit pa ang lockdown sa kanilang lugar at mula sa P1,000 kita kada araw bago ang lockdown, bumagsak ito sa P100 na lang.

"Pangkain lang ganun. Sarado naman, bawal din ano? yung kita namin, wala kaming maipambayad sa upa, atsaka yung pang-araw-araw na pagkain," ani Sarmiento.

Home service naman ang alternatibong ginawa ni Johnwin Solis para kahit papaano ay kumita.

Aniya, tuloy kasi ang gastos sa maintenance ng kanilang parlor kahit walang customer.

"Two months kami nagsarado tapos eh 'di ngayon nagho-home service na lang muna para ma-sustain din yung pangangailangan ng shop ... kasi dire-diretso 'yung expenses knowing na wala namang pumapasok na kliyente," ani Solis.

Ayon sa ilang mga nagtatrabaho sa pagupitan at beauty salon, magiging kumpleto sila sa personal protective equipment (PPE) para ipagpatuloy ang kanilang serbisyo.

"Actually malaki talaga 'yung cost ... Aside sa PPE na sinusuot dito sa salon, meron kaming binigay na PPE for personal use ... Hanggang sa heightened 'yung policy ng [Department of Trade and Industry], we will comply ... Hygiene-wise, to be honest, maganda rin naman siyang i-continue," ayon kay Katrina Mae Vista, may ari ng salon. 

Maglalaan din ng logbook para sa madaling contact tracing kung kinakailanganin.

Magkakaroon anila ng footbath at alcohol at by appointment din ang pagpasok ng mga customer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.