Ilang kongresista pinababawi ang pag-apruba ng Kamara sa anti-terror bill

RG Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 07:27 PM | Updated as of Jun 04 2020 11:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE)— Pinababawi ng ilang kongresista sa Kamara ang approval nito sa kontrobersiyal na anti-terrorism bill isang araw matapos ito aprubahan ng mababang kapulungan.

Diretso na kasi itong papipirmahan kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil pareho lang ang mga bersyong ipinasa ng Senado at Kamara.

Ayon sa Makabayan bloc, dapat bawiin ang House Bill 6875, na nakakuha ng 173 pabor na boto mula sa mga kongresista.

"Puwede naman ito i-reconsider according to our rules. Meron pa tayo hanggang bukas kung meron pang session. Nakikiusap po ako na sana ay i-reconsider ang inyong mga boto at sana i-reconsider ang buong bill," ani ACT Teachers party-list Rep. France Castro.

"Under our rules naman kasi especially those who voted yes they can call for a reconsideration," ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Kapuna-punang 31 ang kumontra at 29 ang nag-abstain kahit pa sertipikado ito ng Pangulo bilang urgent. Ang ilan sa mga hindi pumabor, kakampi rin ng administrasyon.

Ayon sa records ng Kamara, 15 ang umatras sa pagka-co-author.

Sinubukan rin ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbcat na magpasok ng amyenda pero nabigo siya.

Itinanggi naman ni Deputy Speaker Loren Legarda na co-author siya ng panukalang batas.

“I never signed a co-author form. I only attended a virtual hearing. I did not verbally or in writing express support. I was surprised to see my name," aniya.

Nilinaw din ni Binan City, Laguna Rep. Len Alonte Naguiat na ang secretariat ng House Committee on Public Order and Safety ang nagkamaling naglista sa kaniya sa mga co-author ng bill.

"I didn't withdraw as co-author in the Anti-Terrorism Bill because I never signified my intention to be included as one. It was a huge mistake of the committee secretariat of Public Order,” saad ni Alonte.

Para sa ibang kumontra, hindi katanggap-tanggap na basta na lang kinopya ng Kamara ang bersyon ng Senado, na Pebrero pa nila ipinasa.

Nilinaw naman ni House Deputy Spealer Aurelio Dong Gonzales nitong Huwebes ng gabi na ang tamang bilang botohan sa nasabing panukalang batas ay 168 affirmative votes, 36 negative votes, and 29 abstentions.

Unang inihayag ng Kamara na ang bilang ay 173-31-29.

Buwelta ni Lacson

Bumuwelta naman si Sen. Panfilo Lacson sa mga tumutuligsa sa anti-terror bill.

"Maraming disinformation and I just hope na hindi darating 'yung araw na mismong sila o 'yung pamilya nila o mga mahal nila sa buhay ay magiging biktima o nasa receiving end ng terrorist attack," ani Lacson.

Giit ni Lacson, hindi totoong minadali ang anti-terror bill lalo’t ilang beses silang nag-public hearing na inisnab naman umano ng human rights groups.

Samantala, dahil pareho na ang bersyon ng dalawang kapulungan, wala nang bicameral meeting kaya diretso na itong papipirmahan kay Duterte.

Tiniyak naman ng Palasyo na rerepasuhin muna ito ng Pangulo bago pirmahan. —May ulat ni Sherrie Ann Torres at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.