Bagong batch ng Balik Probinsya beneficiaries, pauuwin sa Leyte at Cam. Sur

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 06:30 PM

Isang panibagong batch ng mga Pilipinong na-stranded sa Metro Manila ang pauuwiin sa susunod na linggo. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA - Dalawang panibagong grupo ang pauuwiin mula Metro Manila sa kani-kanilang mga probinsya sa susunod na linggo sa ilalim ng Balik Probinsya program ng pamahalaan, ayon sa isang opisyal nitong Huwebes.

Inihayag ni Marcelino Escalada, executive director ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Council at general manager ng National Housing Authority, na naghahanda na sila para sa panibagong batch na ihahatid sa Leyte sa Hunyo 11.

Isa ring batch ang ihahatid sa Camarines Sur sa Hunyo 12.

Matatandaang layunin ng Balik Probinsya program na hikayatin ang mga Pilipinong bumalik sa kanilang mga probinsya, at doon na manatili at magtrabaho para makatulong sila sa rural development.

Kinumpirma ni Escalada ang mga report na may dalawang Pilipinong nagpositibo sa COVID-19 sa unang batch na pinauwi nila sa probinsya.

Mas nag-iingat na aniya ang gobyerno ngayon at pinili nila ang mga lokal na pamahalaan na may kapasidad para sa testing at quarantine.

“That is an expected result because when you conduct the testing, you don’t expect that all results will always be negative. The result can either be positive or negative. What is important is the government has the capacity to treat. Otherwise, hindi natin pipiliin ang Leyte, Camsur kung wala silang testing capacity at facility,” ani Escalada.

Bukod sa Leyte at Camarines Sur, inaayos na rin na ang pagpapauwi sa mga taga-Zamboanga del Norte at Lanao Del Norte sa susunod na batch. --Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.