Mga tindahan sa Arranque, Binondo, Raon balik-operasyon

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 05:17 PM | Updated as of Jun 03 2020 06:38 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Ngayong nakasailalim na sa general community quarantine ang Maynila, puwede na ulit puntahan ang mga palengke na dati'y dinarayo para sa mga partikular na pangangailangan.

Isa rito ang Arranque Market sa Santa Cruz district, na kilalang bilihan ng mga alagang hayop.

Ayon sa tinderong si Joey Ruiz, malaki ang nalugi sa kaniya at marami sa mga alagang hayop ang namatay noong panahon ng lockdown.

Nahirapan din umano siyang mag-alaga ng mga hayop dahil sa kakulangan ng supply.

"Buti po may naimbak po kami na feeds dyan na ano, tapos hinahaluan lang po namin ng niyog," sabi ngayong Miyerkoles ni Ruiz sa panayam ng ABS-CBN News.

Sa Binondo naman, sa kalye ng Ongpin, buhay na ulit ang mga negosyo, karamihan ay pag-aari ng mga Filipino-Chinese.

Sikat ngayon ang bentahan ng trapal dahil bukod sa supply ng tents sa mga ospital, sila din ang nagsu-supply ng mga plastik na ginagamit na pangharang sa mga establisimyento.

Sa Raon, na tawag ngayon ay Gonzalo Puyat, bukas na rin ang mga tindahan ng electronics at tools. -- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.