Ilang magulang balak i-homeschool ang mga anak

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 01:35 PM | Updated as of Jun 04 2020 07:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang magulang ang nagbabalak na ipasok na lang ang kanilang mga anak sa homeschooling para sa darating na pasukan.

Dahil sa coronavirus pandemic, hindi muna papayagan ang pagdaraos ng klase sa mga paaralan kaya sa bahay muna mag-aaral ang mga bata sa pamamagitan ng distance learning.

Kaya si Gerozel Maylem, na may 3 anak, balak na lang ipasok talaga ang kaniyang mga anak sa homeschooling.

Sa ilalim ng homeschooling, nag-aaral ang bata sa bahay o ibang lugar maliban sa paaralan. Maaari siyang turuan ng mga magulang, tutor o online teacher.

Batid umano ni Maylem ang hamon ng pag-homeschool sa mga anak dahil kailangan niyang tutukan ang mga pag-aaral ng mga ito kasabay ng pagtatrabaho.

"Gusto ko ako magtuturo sa kanila," ani Maylem sa panayam ng ABS-CBN News.

Kadalasang magulang, tutor o online teacher ang nagtuturo sa bata sa homeschooling.

Mula P50,000 kada taon na ibinabayad sa private school, nasa P10,000 na lang ang gagastusin ni Maylem kapag nag-homeschool.

"Naniniwala ako na magulang talaga ang may responsibilidad sa edukasyon ng mga bata," aniya.

Ayon kay Donna Simpao, pangulo ng Homeschool Association of the Philippine Islands, magandang ikonsidera ng mga magulang ang homeschooling para sa mga bata lalo at kailangan na ng mga ito na manatili muna sa mga bahay.

"It is the best time to try it. It is also the time na mate-test ang ating decision skills, 'pag weigh ng pros and cons," ani Simpao.

Kailangan isaalang-alang ng mga magulang na magho-homeschooling ang oras na ilalaan nila para sa pag-aaral ng anak, ayon kay Simpao.

"For someone who is working... you have to find a way na paano ako maging available," sabi niya.

Magiging kakaiba umano ang karanasan ng bata sa pagkatuto sa homeschooling at mas mapapalapit sa magulang.

"Maiiba ang education experience nila. Now you can use the kitchen, baking, cooking, livelihood skills, life skills, para mabigyan mo ng chance ang bata na matuto in a different way," paliwanag niya.

"Makikilala ninyo ang isat isa, baka malaman mo gusto pala ng anak mo na maging artist... dahil inoobserbahan ninyo ang isa't isa," dagdag niya.

Pinabulaanan ni Simpao ang kadalasang paniniwala na ang mga batang na-homeschool ay hirap makihalubilo sa ibang mga bata.

"Social skills [is] not an issue," ani Simpao, na may 4 na anak na na-homeschool.

Balak ng Department of Education (DepEd) na mag-alok ng homeschooling sa pamamagitan ng mga pampublikong paaralan.

"Isa 'yan sa rush na pinagkakaabalahan natin," ani Education Undersecretary Diosdado San Antonio.

Maglalabas umano ng mga alituntunin ang DepEd kaugnay sa homeschooling, ani San Antonio. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.