Bagong bisikleta, iniregalo ng tindahan sa lolong kulang ang perang pambili

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 09:34 PM | Updated as of Jun 04 2020 08:19 PM

 

MAYNILA - Viral sa social media ngayon ang 87-anyos na si Carlos Samonte, na bumibili ng bisikleta, pero imbes na ibenta ay ibinigay na lang sa kanya ito ng may-ari ng bike shop.

Ayon kay Fe Carandang, ang may-ari ng Carandang Bike Shop sa Pasay City, isang linggong binabalik-balikan ni Mang Carlos ang mini MTB bike dahil gustong-gusto niya itong bilhin pero P2,000 lang ang kanyang kayang ibigay. Kulang ito sa kalahati ng original price ng bike na P4,500.
 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nitong Miyerkoles, nakuha ni Mang Carlos ang napili niyang bike pero imbes na kunin ang bayad ay ibinalik na lang ito ni Fe, sabay sabing “kunin mo na 'yan, regalo namin sa iyo”.

Kita sa video na kuha ni Bayan Patroller Juhdel Berido Pagador ang saya ng Mang Carlos.

Kuwento ni Fe, bumalik sa kanilang shop ang anak ni Mang Carlos para magpasalamat.-Ulat ni Sarah Sales, BMPM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.