Presyo ng manok, baboy tumaas sa ilang pamilihan sa Metro Manila

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 05:43 PM | Updated as of Jun 02 2020 08:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas ang presyo ng manok at baboy sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Sa Commonwealth at Muñoz Market sa Quezon City, umabot na sa P125 hanggang P130 ang presyo ng kada kilo ng manok mula sa dating P90 hanggang P100.

Magkakaiba ang paliwanag ng mga nagtitinda ukol dito.

"'Pag ganitong mainit, madaling mamatay ang manok tapos 'yong gasolina, baka 'yon ang rason," ani Jenelyn Alcober.

"Mataas din po 'yong bigay sa amin saka sa katayan, mataas din 'yong bigay," sabi naman ni Salvador Canizo.

"Siguro po kulang 'yong stock ng manok sa mga farm," ani Jenelyn Dolin.

Naglalaro naman sa P220 hanggang P230 kada kilo ang presyo ng kasim, pigue at liempo sa ilang palengke mula sa dating P180 kada kilo.

Ipinaliwanag ng mga nagtitinda na ang taas-presyo ay dahil sa African swine fever (ASF), na ikinamatay ng mga baboy sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-probinsiya.

"Pagpasok ng ASF, medyo nahirapan na eh, kaya naubos 'yong mga backyard na baboy, kaya farm na lang 'yong nakukuhanan," anang tindero na si Ralph Nomas.

Sa ngayon, may suggested retail price (SRP) na ipinatutupad ang Department of Agriculture (DA):

  • Pork (pigue/kasim) - P190 kada kilo
  • Pork liempo - P225 kada kilo
  • Manok (whole) - P130 kada kilo

Dahil hindi ito nasusunod sa lahat ng pamilihan, irerekomenda ng DA sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na ibalik ang price freeze, kung saan average na presyo bago magkaroon ng lockdown ang masusunod.

"Ang ating ginagawang pag-aaral ay lahat ng SRPs ay ita-transform natin as price freeze," ani Agriculture Secretary William Dar.

Muling nanawagan si Dar sa mga lokal na pamahalaan na tiyaking nasusunod ang SRP habang wala pang price freeze at panagutin ang mga nagpapataw ng mas mataas ng presyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.