DSWD: Maaaring masimulan ang 2nd tranche ng SAP ngayong linggo

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 05:43 PM

Baka magsimula na ang pangalawang pamamahagi ng second tranche ng social amelioration program (SAP) ngayong linggo, ayon sa Department of Social Welfare and Development.

MAYNILA - Target ng Department of Social Welfare and Development na masimulan ang pamamahagi ng second tranche ng social amelioration program (SAP) ngayong linggo kung agad na matatapos ang validation process at masesertipikahan ang masterlist ng mga kwalipikadong benepesyaryo.

Sa isang press briefing nitong Martes, sinabi ni DSWD Sec. Rolando Bautista na may nabuo na silang guidelines at handa na sila na ipahatid ang ikalawang bahagi ng SAP, pero kailangan aniya nilang hintayin na matapos ang validation process sa masterlist.

Giit ni Bautista, mahalaga ang validation process upang matiyak na karapatdapat at kwalipikado ang makatatanggap ng ayuda at para maiwasan din ang duplication.

Nilinaw din niya na bagama't maraming local government units (LGUs) na ang nakapagsumite na ng listahan, karamihan dito ay hindi pa nasertipikahan.

Mahalaga aniya ang sertipaksyon sa masterlist dahil ito ang magpapatunay na nasuri ito nang maigi, batay sa umiiral na panuntunan.

Kung makakapagsimula na ngayong linggo na makapamahagi ng second tranche ng SAP, target din ng DSWD na matapos ito agad ngayong Hunyo sa tulong ng ReliefAgad App, habang pinag-aaralan na rin aniya ang paggamit ng digital payments.

Batay sa datos ng DSWD, higit ₱99.7 bilyong pondo na ang naipamahagi sa 17.6 million beneficiaries ng SAP sa buong bansa.

Aabot sa 807 na LGUs ang nakapagsumite na ng kumpletong liquidation report para sa unang tranche ng SAP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.