Mga may akda ng ABS-CBN franchise bills iginiit ang kahalagahan ng network

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 03:22 PM | Updated as of Jun 01 2020 06:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagpatuloy nitong Lunes ang pangalawang pagdinig ng dalawang komite sa Kamara ukol sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa ng network.

Binigyan ng pagkakataon ngayong araw na magbigay ng sponsorship speech ang 12 kongresistang nagsusulong ng prangkisa para sa ABS-CBN. 
    
Iginigiit ni Nueva Ecija Rep. Micaela Violago sa kaniyang sponsorship speech na malaking kawalan ang ABS-CBN lalo na’t wala sa ere ngayon ang network. 

"Most especially now that the country is in the middle of ongoing pandemic. We can’t in any way undervalue the huge role that ABS-CBN plays for the Filipino people," aniya.

Tinatayang nasa 3,129,000 milyong Pilipino naman ang walang access sa impormasyon nang mawala sa ere ang ABS-CBN, ani Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez-Sato. 

"The shutdown of ABS-CBN could not have come at a more unfortunate time. Amidst our nation’s battle against COVID-19, crucial information and updates on this global pandemic could not be accessed 3,129,000 Filipinos... This is the number of Filipinos who rely solely on ABS-CBN’s broadcast simply because other networks cannot reach them," ani Ramirez-Sato. 

Ayon naman sa isa pang sponsor na si Parañaque Rep. Joy Myrna Tambunting, pagkatapos ng EDSA People Power noong 1986 ay isa siya sa mga unang naging empleyado ng ABS-CBN.

Mula sa pagiging associate producer hanggang sa maging executive producer at producer, alam aniya ang malasakit ng kompanya sa mga empleyado nito.

Sa katunayan, hanggang sa maging kongresista siya ay bitbit niya ang mga natutunan sa kumpanya.

"My mentors in ABS-CBN taught me a lot about work. The value of work, hard work, respect for work, accuracy, love and respect for coworkers, and most of all, the dignity of work from God. These lessons help me mold me of what I am today," ani Tambunting.

Ganun din si dating ABS-CBN News reporter at Laguna Rep. Sol Aragones, na ibinahagi ang naging buhay niya bilang empleyado ng ABS-CBN sa loob nang 13 taon.
    
Aniya, sa paghabol niya sa mga sakuna, bagyo, at anumang kalamidad ay palaging nakabuntot ang Sagip Kapamilya sa kaniya.
    
Pinatotohanan din ito ni Pampanga Rep. Aurelio "Dong" Gonzales, Jr. at sinabing noong sumabog ang Mt. Pinatubo ay naroon ang ABS-CBN para umalalay. 

"Twenty nine years ago pumutok po noong June 15, 1991 ang Mt. Pinatubo, malaki po ang epekto nito sa aming probinsiya ng Pampanga. Ang ABS-CBN po during that time ang nag-aabot ng ayuda at nag-cover ng mga pangyayari. Ganun din noong October 1, 1995 dumating po ang napakalaking lahar sa aming probinsya which covered the whole province most especially Bacolor. Wala pong social media during that time," ani Gonzales.

Si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas naman, iginiit na usapin ng press freedom ang prangkisa ng ABS-CBN.

"Pilit na inaalis ang koneksyon ng mga pangyayari at laging sinasabi na hindi ito usapin ng press freedom. Ang batas daw ay batas kaya hindi pwedeng magpalabas, pero hindi kaya may kumukumpas para itigil ang palabas?" aniya.

Muli namang binigyang diin ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na Pilipino si ABS-CBN chairman emeritus Gabby Lopez.

Samantala, sa unang pagkakataon ay humarap na rin sa Kamara si Solicitor General Jose Calida at sinabing nakikiisa ito sa paghimay sa isyu ng Kamara kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN.

"Nakikiisa ako at ang aking tanggapan sa layuninn ni Speaker Alan Peter Cayetano na mabigyan ng isang patas, tapat at mabusising imbestigasyon na kikilatis at hihimay sa ABS-CBN," ani Calida. 

Pero nanindigan pa rin ito na nilabag ng kompanya ang legislative franchise nito dahil sa isyu sa cable at free TV, paniningil sa Kapamilya Box Office,at pag-iisyu ng Philippine depositary receipts.

Matatandaang natalakay na at nasagot na ang mga ito sa pagdinig na idinaos sa Senado.

Nabigyan din ng pagkakataon si ABS-CBN president and CEO Carlo Katigbak na sumagot sa ilang isyung ipinukol sa Kapamilya network. 

Ipagpapatuloy ang susunod na pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN sa Miyerkoles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.