Jeepney drivers sa Tondo nag-noise barrage bilang protesta para makabiyahe

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 01:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ilang jeepney driver sa Tondo ang nagdaos ng noise barrage nitong Lunes sa unang araw ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, bilang pakiusap na payagan na silang makabiyahe.

Sa patakaran ng pamahalaan, hindi pa kasama ang mga tradisyonal na jeep sa mga maaaring pumasada sa mga lansangan. 

Ayon kay Warlito Legaspi, bukod dito, nanawagan din silang magkaroon ng mass testing sa mga tsuper at kinukondena ang mistulang paggamit ng gobyerno sa COVID-19 para ipatupad ang jeepney phaseout.

"Paano naman po 'yung mga driver na hindi nakakabiyahe... Paano naman po 'yung mga maliliit na operator," tanong niya. 

Si Eduardo Galvez, driver ng jeep na biyaheng Sangandaan Divisoria, napilitang mamalimos dahil bukod sa walang biyahe, wala nang panggatos ang kanyang pamilya.

Wala pa rin daw siyang natatanggap na ayuda mula sa pamahalaan.

"Wala na pong makain pamilya namin... Tsaka hindi pa po namin nakukuha 'yung LTFRB social amelioration card," ani Galvez. 

Mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 21, papayagan na muli ang operasyon ng tren, taxi, ride-hailing car service tulad ng Grab, bus augmentation units, point-to-point (P2P) buses, shuttle services, at mga bisikleta.

Sa ikalawang phase naman na magsisimula sa Hunyo 22 hanggang Hunyo 30 ay papayagan na ang mga public buses, UV Express, at mga modernong jeepney. —Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.